Wanted na HVI, nahuli ng pulis-Trece

ISANG Regional Level Most Wanted Person na nasa talaan bilang High-Value Individual (HVI) ang nahuli sa isinagawang sanib-puwersang operasyon ng pulisya na pinangunahan ng mga tauhan ng Warrant Section ng Trece Martires Component City Police Station kamakailan sa Misamis Occidental.

Ang akusadong si alyas Rudelie, 37, at residente ng Barangay Panalsalan, Plaridel, Misamis Occidental ay inaresto sa bisa ng  mga warrant of arrest na inilabas ng Assisting Judge ng Regional Trial Court, Branch 131, Trece Martires City, Cavite, noong Agosto 27, 2024, na walang inirekomendang piyansa.

Ito ay may kaugnayan sa mga kasong Violation of Article II, Section 5, paragraph 1, in relation to Section 26, at Violation of Article II, Section 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na kinakaharap ng akusado.

Nagsilbing lead unit ang pulis-Trece sa operasyon katuwang ang Plaridel Municipal Police Station, 1st Provincial Mobile Force Company ng Misamis Occidental Police Provincial Office, MOCPPO-Provincial Intelligence Unit, at 1002nd Regional Mobile Force Battalion 10.

Nabatid na ang naturang law enforcement operation ay isinagawa sa Purok 8, Barangay Panalsalan, Plaridel, Misamis Occidental dakong alas-5:30 ng hapon nitong Hulyo 13.

Scroll to Top