
Matinding parusa sa kasinungalingan
NAPAKALAKING bahagi ang kagampanan ng sino mang umaaktong testigo para sa pagsisiyasat.
Lalung-lalo na sa pagdinig o paglilitis ng bawat kaso partikular sa mga hukuman.
Mula sa pagsisimula hanggang sa katapusan ay kailangang nasusuri ang kredebilidad ng tumatayong testigo.
Hindi lamang hamon sa hustisya bagkus ay matinding dagok sa pagpapalitaw ng katotohanan.
Isang napakalaking sampal at hamon ang pagbaliktad ng bawat testigo sa kabila na nasa ilalim o kapangyarihan ng panunumpa sa pagbibigay at paglalahad ng pawang katotohanan lamang.
Kung ano man ang mga sinasabi o binibigay na katwiran sa pagbaligtad o pagbawi ng testigo sa inilahad na testimonya ay nararapat lamang ang pagbibigay ng matinding kaparusahan kapag napatunayan ang kasinungalingan.

Subukin kung may bisa ang dalangin
LUZVIMINDA, o Luzon, Visayas at Mindanao.
Sinasabing Ombudsman for Visayas ang nagpataw ng disiplina at naghatol ng kaparusahan.
Ito ay sa kabila na ang kinastigo ay nagmula sa Luzon.
Hindi ba dapat ay Ombudsman for Luzon ang naggawad ng hatol o parusa?
‘Anyare! Pwede ba iyon? Just asking.
Speaking of Ombudsman, nalalapit na ang pagreretiro ni Samuel Martires.
Ang lahat ng aplikante sa ibabakanteng posisyon ni Ombudsman Martires ay sasailalim sa masusing pagsusuri.
Sa ilan na mapipili na dumaan sa mabusising propeso ay ilalatag ang mga kwalipikadong aplikante kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.
Hindi maiaalis ang agam-agam ng nakararami o ng bawat isa gayundin ng magkakabilang panig o partido sa magiging bagong Ombudsman.
Kumbaga ay may kanya-kanyang ‘manok’ o hinahangad para sa mababakanteng posisyon.
Iyon nga lamang, sa bandang huli ay pasya ng presidente ang mananaig sa kung sino ang kanyang itatalagang bagong Ombudsman kapalit ni Martires.
Ang hangad at dalangin ng nakararami ay iyong tunay at karapat-dapat sa posisyon ang mauupong bagong Ombudsman na para sa katotohanan at katarungan na hindi sa kung anong interes lamang.
Subukin kung mayroong bisa ang pagdarasal subalit sakaling hindi dininig ang panalangin ay huwag magtanim ng galit o tampo sa Panginoon dahil bawat pasya ng Maykapal ay kaakibat ang dahilan at ang pagpapataw ng tunay na parusa ay nakasalalay mismo sa Kanyang mga kamay.
