Tatak-DFP, Bida sa Agri: Makabagong Teknolohiya sa Pagpapalay, Kaagapay ng mga Magsasaka sa Mataas na Ani at Kita

Gamit ang makabagong teknolohiya, mas napalakas ang kakayahan ng 90 magpapalay sa CALABARZON na mapataas ang kanilang ani at kita habang nababawasan ang pagod at gastos sa mga gawaing pansakahan matapos nilang mapagtagumpayan ang Digital Farmers Program (DFP) 101, 102, & 103 with Drone Demonstration for Rice.

Tatlong pangkat ng DFP ang isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ngayong taon para sa mga pares ng magsasaka at kabataan ng Nasugbu, Batangas noong Abril 20-24; Pililla, Rizal noong Mayo 18-21; at Sta. Maria, Laguna noong Hunyo 15-18, 2026.

Sa loob ng apat na araw, sinanay ang mga kalahok sa matalinong paggamit ng smartphone at internet, social media marketing, at iba’t ibang agri apps na nakatutulong sa epektibo’t episyenteng pagdedesisyon ng mga magsasaka para sa kanilang mga pananim. Kabilang dito ang AccuWeather upang malaman ang lagay ng panahon, GPS Fields Area Measure bilang alternatibong panukat ng lawak ng taniman, SPIDTech para sa pagtukoy ng mga sakit at peste sa pananim, MOET App upang malaman ang pataba at sustansyang kailangan ng palay, at marami pang iba.

Ipinakita rin sa mga kalahok ang paraan at benepisyo ng paggamit ng drone technology sa pagtatanim ng binhi, pataba, at pestisidyo na maaaring magpabilis sa mga gawaing pansakahan. 

“Ngayon, ang kinabukasan ng ating ani ay nasa ating mga kamay at nasa ating mga smartphone. Hindi lang tayo dumalo sa training—gumawa tayo ng tulay sa pagitan ng karunungan ng beteranong magsasaka at teknolohiya ng kabataan. Ngayon, hindi lang tayo nagtatanim—tayo ay content creator at entrepreneur na rin. Natutunan natin na ang cellphone ay hindi lang panglaro kundi kasangkapan sa kaalaman,” patotoo ni Walter Dueñas, pangulo ng samahan ng mga magsasaka ng palay sa Nasugbu.

Para naman sa kabataang kalahok na si Marina Joy Altamirano ng Pililla, “Bilang kabataan, na-realize ko po na hindi pala napag-iiwanan ang farming sa modernong panahon dahil unti-unti na rin itong sumasabay sa technology. Talagang mapapaisip ka na malayo na rin pala ang narating ng agricultural sector pagdating sa innovation. Malaking bagay po na maipakita sa kabataan na ang agriculture ay hindi lang simpleng pagsasaka kundi isang modern, innovative, at promising field.”

Samantala, nagsilbing mga tagapagsanay sa tatlong pangkat ng DFP ang mga kawani ng Information Services Section (ISS) ng DA-ATI CALABARZON na sina G. Roland Gari Vargas; G. Archie Linsasagin; G. Hans Christopher Flores, RAgr; Bb. Cristine Jan Beler, RAgr; at Bb. Eloisa Mariano.

Sa pagtatapos ng bawat pangkat ng pagsasanay, nagpaabot ng inspirasyon at hamon sa mga kalahok si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando Maningas, RAgr. Binigyang-diin niya ang tunguhin ng ahensya na makatulong sa mga magsasaka na yakapin ang makabagong teknolohiya sa agrikultura tungo sa mas matatag at maunlad na sektor. 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin

Scroll to Top