Sa bawat kilo ng gulay
Si Rieze Joy Ebuena mula sa Jaro, Iloilo City, sa kanyang stall kung saan bumibili ng gulay ang mga kapitbahay at mga kalapit na komunidad.
Sa isang bahagi ng lungsod ng Iloilo, isang babae ang nagsisikap na maitaguyod ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng bawat kilo ng gulay sa kanyang puwesto sa palengke. Ngunit bago siya magkaroon ng ganitong pagkakataon sa hanapbuhay, dumaan muna siya sa iba’t ibang pagsubok at pagsusumikap.
Si Rieze Joy Ebuena, ngayon ay 31 taong gulang, mula sa bayan ng Oton, Iloilo, ay humarap na ng iba’t ibang hamon ng buhay. Dahil sa kakulangang pinansiyal ng kanilang pamilya, hindi niya natapos ang hayskul at umabot lamang siya sa ikatlong taon nito ng pag-aaral. Nang siya ay 18 taong gulang, nagkaanak siya matapos pumasok sa isang relasyon. Makalipas ang isang taon, noong 2014, lumuwas siya sa Maynila at nagtrabaho bilang tindera. Habang nagtatrabaho, pinagmasdan niya ang paraan ng pamamalakad ng kanyang amo at natutuhan niya kung paano magpatakbo ng negosyo.
Noong 2019, lumipat sila ng kanyang partner sa Jaro, sa lungsod ng Iloilo. Habang ang kanyang partner ay nagsimulang magtrabaho bilang drayber ng isang kumpanya, si Reize naman ay nag-isip ng iba pang paraan para kumita. Gamit ang mga natutuhan niya mula sa kanyang dating amo, nagbukas siya ng isang sari-sari store sa kanilang bahay.
Subalit noong 2020, napilitan silang isara ang kanilang sari-sari store dahil sa pandemya. Gayunpaman, ayaw ni Reize tumigil sa paghahanapbuhay. Nagsimula siyang mag-isip ng iba pang negosyo na wala pa sa kanilang barangay.
Taong 2021, nakilala ni Reize ang CARD Bank, Inc., isang microfinance-oriented rural bank, sa pamamagitan ng isang kapitbahay. Naging interesado si Reize sa paghihikayat nito ng pag-iipon. Naging interesado rin siya sa isa sa mga benepisyo nito para sa mga kliyente na awtomatikong nagiging miyembro ng CARD MBA upang mabigyan ng life insurance. Dahil sa trabaho ng kanyang partner bilang drayber at sa hangarin niyang makapag-ipon, nagpasyang maging kliyente ng CARD Bank si Reize sa parehong taon.
Ang pagiging kliyente ni Reize sa nasabing bangko ay nagbigay-daan sa kaniya upang magsimula sa negosyong nais niyang buksan nang magsara ang kaniyang sari-sari store noong pandemya. Noong 2023, nagsimula siyang magtinda ng mga gulay gamit ang PHP 5,000 na kaniyang hiniram mula sa CARD Bank bilang kapital. Sa dating espasyo ng kaniyang sari-sari store, pinasimulan niyang mag-display at mag-alok ng iba’t ibang uri ng gulay.
Bilang isang kliyente, nakapag-iipon si Reize sa kabila ng limitadong badyet paminsan-minsan. Napapanatag rin siya dahil sa life insurance na mayroon siya bilang isang miyembro at kliyente ng CARD.
Kasabay ng bagong simulang negosyo ni Rieze, ang kanyang ina ay nagtinda rin ng mga gulay sa palengke. Sa mga araw na hindi ito nakakapagtinda, si Rieze ang humahali sa puwesto, dala ang sarili niyang mga gulay. Kalaunan, nagkasundo silang magkaroon ng magkahalinhinang iskedyul ng pagtitinda sa puwesto sa palangke. Sa ngayon, apat na araw sa loob ng isang linggo kung magtinda si Rieze sa palengke, at sa mga natitirang araw naman ay sa kanilang bahay.
Araw-araw, matiyagang iniaalok ni Reize ang kanyang mga gulay sa mga naglalakad, mamimili sa palengke, at sa mga kapitbahay. Alam niyang ang mga bentang ito ang magtatawid sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan at magbibigay sa kaniya ng pagkakataon upang patuloy pang magsumikap sa mga susunod pang araw. Kapag nasa palengke, ang kanyang dalawang anak naman ang tumutulong magbantay sa kanilang tindahan sa bahay.
Sa ganitong negosyo, nakararanas pa rin siya ng mga suliranin, katulad ng pangungutang ng mga customer at hindi pagbabayad kaagad ng mga ito. Bagaman mahirap ito para kay Reize, patuloy pa rin niyang pinakikitunguhan ang mga ito at magalang na pinapaalalahanan sa pagbabayad sa kanilang mga utang.
Sa ngayon, kumikita siya ng PHP 3,000 hanggang PHP 4,000 araw-araw sa pagtitinda sa palengke, at PHP 1,000 naman sa kanilang bahay. Hindi man ito kasinglaki ng kinikita ng iba, subalit para kay Reize, mas mabuti ito kaysa noong siya ay walang-wala. Sa pamamagitan ng kaniyang kinikita, patuloy niyang nasusportahan ang pag-aaral ng kaniyang mga anak kung saan ang isa ay kasalukuyang nasa hayskul, at ang isa naman ay nasa kindergarten.
Sa kasalukuyan, may sarili nang sidecar si Rieze na nakatutulong sa pagbibiyahe ng kanyang mga gulay. Patuloy siyang nagsusumikap at nananatiling nakatutok sa pagpapalago ng kanyang negosyo habang pinag-aaral ang kanyang mga anak.
Sa lahat ng kaniyang pinagdaanan, ang payo ni Reize sa kaniyang kapwa negosyante ay pag-isipang mabuti ang kanilang negosyo. “Maging matiyaga lang,” sabi niya, “dahil marami kang makasasalamuhang iba’t ibang uri ng tao.”
Ang karanasan ni Rieze ay isang halimbawa ng kung paano naitatawid ng patuloy na pagtitiyaga ang isang tao mula sa walang-wala hanggang sa patuloy na pagpupursigi. Natutuhan ni Reize na pahalagahan ang bawat benta ng gulay, kung saan ang bawat kilo nito ay may dalang pag-asa, bawat kilo ay hakbang patungo sa panibagong bukas. (Jireh Pearl Casionan, Junior Writer)
