RED LIONS SINAGPANG ANG PIRATA; COACH Yuri MASAYA SA UNANG PANALO SA NCAA 102!

JIMUEL REYES – SAN BEDA VS LPU – MATTHEW RUBICO
ISANG mainit at pasabog na simula ang ipinamalas ng nagtatanggol na kampeon na San Beda University matapos nilang silaban ang Lyceum of the Philippines University, 83-74, para masungkit ang kanilang unang panalo sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na ginanap sa San Juan Arena (Filoil EcoOil Centre). 
 
Matapos ang mahabang pahinga at pagkaudlot ng kanilang mga huling laro, nagpasiklab agad ang Red Lions mula sa simula upang itulak ang Lyceum Pirates sa kanilang ikalawang pagkabigo sa tatlong laro. 
 
​Bumira nang todo ang Mendiola-based squad sa pangunguna nina Dan Marcelo na nagpakawala ng 16 puntos at anim na rebounds, habang si Lawrence Hawkins ay nagtala ng solidong double-double na 13 puntos at 12 rebounds. 
 
Nag-ambag din ng malaking tulong sina Jimuel Reyes na may 15 puntos at ang nagbabalik na si Jomel Puno na kumana ng 11 puntos upang pigilan ang mga pagtatangka ng Pirates na makabalik sa laro. 
 
​Kahit na pinilit maghabol ng Lyceum sa pangunguna ni Matthew Rubico na umiskor ng 15 puntos at Mclaude Guadaña na nagdagdag ng 14, nanatiling matatag ang depensa ng San Beda. 
 
Bagamat umabot pa sa bentahe ng Red Lions ang 17 puntos sa third quarter, sumubok lumapit ang Pirates sa huling yugto ngunit tuluyan nang naabo ang kanilang ratsada nang maareglo ng San Beda ang kanilang laro hanggang sa huling segundo. 
 
​Masaya namang inihayag ni San Beda head coach Yuri Escueta ang kanyang kasiyahan sa naging reaksyon at laro ng kanyang koponan matapos ang kanilang masalimuot na simula sa torneo. “It’s nice to get our first win. I think we played much better especially in the first quarter, we shot really well. That was big for us,” pahayag ni Coach Yuri matapos ang tagumpay. 
 
​Dahil sa panalong ito, nakuha ng San Beda ang mahalagang momentum habang naghahanda sila sa kanilang mga susunod pang mabibigat na makakatagisan sa kasalukuyang season ng liga. Samantala, tangkang bumawi ng Lyceum sa kanilang mga susunod na laban upang maitaas ang kanilang baraha sa team standings.
 
 
 
 
FRANCIS LOPEZ NSAC FINAL MVP 2026 WITH PSC CHAIRMAN, JAI REYES NSAC CHIEF ORGANIZER
 
 
Scroll to Top