REBISYON SA ORTOGRAPIYANG UBU MONUVU, ISINAGAWA NG KWF SA LUNGSOD KIDAPAWAN

Nagsagawa ng Palihan sa Pagrebisa ng Ortograpiya ng wikang Ubu Monuvu ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) noong 6–7 Hulyo 2026 sa Bernardo’s Mountainside Resort, Ilomavis, Lungsod Kidapawan.

Ang mga gawain ay pinangunahan nina Tagapangulong Atty. Marites A. Barrios-Taran at Kom. Carmelita Abdurahman kasama ang mga mananaliksik ng KWF, SWK ng University of Southern Mindanao (USM), guro-manunulat mula sa DepEd Kidapawan, at mga elder ng komunidad ng Ubu Monuvu.

Naging katuwang ng KWF sa pananaliksik na ito ang mga kinatawan mula sa Sentro ng Wika at Kultura (SWK) ng USM para matiyak ang maayos na implementasyon ng mga gawain at mapalakas ang ugnayan ng dalawang institusyon sa mga proyektong pangwika.

Sa unang araw ng palihan, tinalakay ni Dr. Jose Evie G. Duclay ang introduksiyon sa proyekto ng KWF na pagbuo ng ortograpiya, kabilang ang henetikong ugnayan ng mga wika sa Pilipinas. Ipinakilala ng mananaliksik na si G. Rolien Mark M. Balisi ang International Phonetic Alphabet (IPA) at ginabayan ang mga kalahok sa pagtuklas ng mga tunog na ginagamit sa wikang Ubu Monuvu.

Pinangunahan naman ng mananaliksik na si G. Christian DS. Nayles ang pagsulat ng mga kabanata ng ortograpiya, kabilang ang pantig at pagpapantig, pagbaybay na pabigkas at pasulat.

Sa ikalawang araw, ipinakita ng mga guro-manunulat ng USM sa mga elder ang mga nabuong kabanata sa Filipino at Ubu Monuvu upang matiyak ang wastong salin. Nagsagawa rin ng pamās, isang ritwal kung saan humihingi ng pahintulot ang mga datu sa kanilang diyos para sa binubuong ortograpiya.

Sinundan ito ng paglagda ng Memorandum ng Unawaan (MOU) sa pagitan ng KWF, USM, Department of Education (DepEd) Kidapawan, at Kidapawan LGU para sa ortograpiya at iba pang proyektong pangwika.

Sa hapon, nagsagawa ng courtesy visit ang mga kinatawan ng KWF sa Schools Division Office ng lalawigan ng Sultan Kudarat upang makipag-ugnayan at maghanda para sa isasagawang Oryentasyon sa Pagbuo ng Ortograpiya ng Mënubù Dulángan.

Ang Pagbuo ng Ortograpiya ng mga Wika ng Pilipinas ay isang patuluyang programa ng KWF sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika, Publikasyon, at Promosyon (SLPP) na naglalayong paigtingin ang dokumentasyon, pagpapaunlad, at pagsusulong sa paggamit ng mga katutubong wika sa Pilipinas

 

 

 

Scroll to Top