PSA RSSO IV-A, Nakikiisa sa Paggunita ng Ika-86 na Anibersaryo ng Commonwealth Act No. 591

Hindi lamang mga numero, kundi mga kuwentong nagsisilbing batayan sa pagpapasya at pag-unlad ng bansa. Sa ganitong diwa, nakikiisa ang Philippine Statistics Authority Regional Statistical Services Office IV-A (PSA RSSO IV-A) sa paggunita ng ika-86 na anibersaryo ng Commonwealth Act No. 591 sa pamamagitan ng serye ng mga aktibidad na isinagawa noong 17–20 Agosto 2026.

Ang Commonwealth Act No. 591, na pinagtibay noong 1940, ay naglatag ng mahalagang pundasyon para sa sistemang estadistikal ng bansa. Sa paglipas ng mga taon, naging mahalagang kasangkapan ang estadistika sa matalinong pagpapasya, mahusay na pagpaplano, at pagbuo ng mga programang tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Bilang bahagi ng selebrasyon, isinagawa sa PSA RSSO IV-A ang iba’t ibang gawain na nagbigay-diin sa kasaysayan at halaga ng estadistika, kabilang ang Tanghalan ng Datos, talakayan hinggil sa kasaysayan ng estadistika, pagbabahagi ng karanasan ng mga beteranong kawani, Paligsahan sa Kaalaman, at Salin-Sagot, na bahagi rin ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika.

Sa pamamagitan ng mga gawaing ito, nagkaroon ng pagkakataon ang mga kawani na balikan ang mahahalagang yugto sa kasaysayan ng estadistika, kilalanin ang ambag ng mga naunang henerasyon, at higit na pahalagahan ang papel ng datos sa paglilingkod sa sambayanan.

Mula sa datos tungo sa desisyon at pag-unlad, isinusulong ng PSA RSSO IV-A ang kamalayang estadistikal at pagpapahalaga sa maaasahang datos bilang pundasyon ng mahusay na serbisyo publiko.

 

 

 

Scroll to Top