PSA at TESDA Batangas, Nagkaisa sa Mobile Acceptance ng Civil Registry Documents sa 2026 World Café of Opportunities
Pinagtibay ng Philippine Statistics Authority (PSA) RSSO IV-A at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Batangas Provincial Office ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Mobile Acceptance of Civil Registry Documents bilang bahagi ng 2026 World Café of Opportunities na ginanap noong Agosto 25, 2026 sa Regional Training Center CALABARZON Multipurpose Covered Court, TESDA Compound, P. Herrera Street, Batangas City.
Layunin ng mobile acceptance na mailapit ang mga serbisyo ng PSA sa mga kalahok at jobseeker na dumalo sa nasabing aktibidad, at mabigyan sila ng mas maginhawang paraan upang makapag-request at makapagproseso ng mahahalagang dokumentong sibil.
Sa pamamagitan ng mobile acceptance, natulungan ang mga kliyente sa pagproseso ng kanilang mga kahilingan para sa mga dokumentong sibil gaya ng Birth Certificate, Marriage Certificate, Death Certificate, at Certificate of No Marriage Record (CENOMAR).
Dahil dito, nabawasan ang pangangailangan ng mga kalahok na magtungo pa sa tanggapan ng PSA upang makapag-request ng kanilang mga dokumento, habang nakikilahok sa 2026 World Café of Opportunities. Ipinapakita ng pakikipagtulungan ng PSA at TESDA Batangas Provincial Office ang kahalagahan ng inter-agency collaboration sa paglalapit ng mga serbisyo ng pamahalaan sa publiko.
Sa pamamagitan ng mga inisyatibong tulad ng Mobile Acceptance of Civil Registry Documents, patuloy na itinataguyod ng PSA at mga katuwang nitong ahensya ang episyente, abot-kamay, at responsableng serbisyo publiko para sa bawat Pilipino.
