PRELIMINARYONG FIELDWORK AT BALIDASYON SA WIKANG MALAYNON, ISINAGAWA NG KWF

Nagsagawa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng preliminaryong fieldwork para sa balidasyon at pangangalap ng language profile at wordlist ng wikang Malaynón sa Bayan ng Malay, lalawigan ng Aklan nitóng 4–6 Nobyembre 2025 sa Conference Hall, Malay Activity Center bílang bahagi ng proyektong Balidasyon ng mga Wika ng Pilipinas.

Pinangunahan nina G. Wilbert M. Lamarca, Linguistic Specialist at G. Rolien Mark M. Balisi, Mananaliksik at Tagapag-ugnay ng Proyekto, ang pangangalap ng datos. Naging posible ang gawaing ito sa pakikipagtulungan ng Malay Tourism Office.

Layunin ng gawaing ito na makapagsagawa ng preliminaryong fieldwork sa wikang Malaynón, kabílang ang pagsasagawa ng Focus Group Discussion (FGD) para sa language vitality at pagrekord ng wordlist upang makabuo ng mas komprehensibong talâ ng kalagayan ng wika.

Kinikilala ang wikang Malaynón bílang isa sa pitóng (7) malubhang nanganganib na wika sa Pilipinas, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2020 na sinuri ng KWF.

Dahil dito, mahalaga ang isinagawang preliminaryong balidasyon upang matukoy ang aktuwal na kalagayan ng wika batay sa datos ng komunidad at hindi lámang sa mga naunang pagtatáya.

Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO 2023), nanganganib ang isang wika kapag unti-unti na itong hindi ginagamit ng mga nagsasalita nitó, nagiging limitado ang paggamit sa iba’t ibang larang ng komunikasyon, at hindi na naipapása ng mga nakatatanda sa nakababatang henerasyon.

Maaari din itong impluwensiya ng mga panlabas na puwersang pangkultura, pang-ekonomiya, panrelihiyon, o pang-edukasyon. Bukod dito, nakaaapekto rin ang negatibong pananaw ng isang indibidwal o komunidad sa paggamit ng kanilang sariling wika.

Nagbigay din ang KWF ng mga komplimentaryong kopya ng ilang aklat na inilathala ng KWF Aklat ng Bayan sa Malay Tourism Office at sa lokal na opisina ng DepEd.

Sa pamamagitan ng patúloy na dokumentasyon at balidasyon ng mga nanganganib na wika, pinalalakas ng KWF ang mga hakbang sa pangangalaga, pagpapasigla, at pagpapatúloy ng mayamang pamana ng mga katutubong wika sa bansa para sa susunod na mga salinlahi.

 

Scroll to Top