PhilHealth, Patuloy na pinalalakas ang YAKAP at GAMOT

Mas pinalalawak ng PhilHealth Regional Office IV-A (PRO IV-A) ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalakas ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) at Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT).

Sa ilalim ng PhilHealth YAKAP, maaaring makatanggap ang mga miyembro at kanilang dependents ng primary care consultation at assessment mula sa Primary Care Doctor ng kanilang napiling YAKAP Clinic. Kasama rin sa package ang iba’t ibang laboratory at screening services na mahalaga sa maagang pagtukoy at pag-iwas sa mga sakit.

Kabilang dito ang 13 basic outpatient laboratory tests, gaya ng Complete Blood Count (CBC), lipid profile, fasting blood sugar, HbA1c, creatinine, chest X-ray, ECG, urinalysis at iba pa.

Mayroon ding anim na anti-cancer screening tests para sa maagang pagtuklas ng ilang uri ng cancer. Sa kasalukuyan, may 53 accredited facilities na nagbibigay ng mga serbisyong ito, kabilang ang breast ultrasound, mammography, alpha-fetoprotein, liver ultrasound, colonoscopy, at low-dose chest CT scan, depende sa pangangailangan at assessment ng pasyente.

Samantala, sa ilalim ng GAMOT, maaaring makatanggap ang bawat kwalipikadong miyembro ng hanggang ₱20,000 halaga ng essential medicines kada taon. Saklaw nito ang 54 na klase ng mahahalagang gamot para sa iba’t ibang kondisyon, kabilang ang hypertension at cardiovascular diseases, diabetes, asthma at COPD, dyslipidemia, at iba pa.

Ang 21 essential medicines ay maaaring makuha sa napiling YAKAP Clinic, habang ang mga gamot na may GAMOT coverage ay maaaring i-dispense sa mga accredited GAMOT Providers.

 

Scroll to Top