PHILHEALTH CABG Z BENEFIT PACKAGE, MAS PINALAPIT SA MGA QUEZONIAN

SARIAYA, QUEZON – Opisyal na nilagdaan noong Hulyo 1, 2026, ng PhilHealth Regional Office IV-A (PRO IV-A) at ACE Medical Center Sariaya ang kontrata na magbibigay-daan upang maging isang contracted facility ang ospital para sa pagpapatupad ng PhilHealth Z Benefit Package para sa Coronary Artery Bypass Graft (CABG) sa lalawigan ng Quezon. Pinangunahan ang ceremonial signing nina PhilHealth Regional Office IV-A Acting Regional Vice President Dr. Edwin M. Oriña at Local Health Insurance Office (LHIO) Lucena City Head Jonathan R. Alim, kasama sina ACE Medical Center Sariaya President Dr. Fernando P. Carlos at Medical Director Dr. Belen T. Garana. Ang Coronary Artery Bypass Graft (CABG) ay isang uri ng open-heart surgery na isinasagawa upang maibalik ang maayos na daloy ng dugo sa puso sa pamamagitan ng paggawa ng panibagong daanan ng dugo (bypass) kapag may matinding pagbabara o pagkipot sa isa o higit pang coronary arteries. Sa ilalim ng PhilHealth Z Benefit Package, maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong miyembro ng benepisyong nagkakahalaga ng ₱660,000 para sa standard risk cases at hanggang ₱960,000 para sa expanded risk cases. Saklaw nito ang gastusin sa operasyon, pagpapaospital, professional fees ng mga doktor, mga gamot, laboratoryo at iba pang kinakailangang pagsusuri, pati na rin ang cardiac rehabilitation pagkatapos ng operasyon. Ang cardiovascular diseases o mga sakit sa puso ay nananatiling pangunahing sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas. Dahil dito, mahalagang hakbang ang pagkakaroon ng PhilHealth CABG Z Benefit Package contracted facility sa Quezon Province upang mas mailapit ang mga serbisyong medikal na hindi na kinakailangang bumiyahe pa sa malalayong ospital ng mga kwalipikadong miyembro upang makatanggap ng specialized cardiac care. Patuloy ang PhilHealth Regional Office IV-A sa pagpapalawak ng access sa dekalidad, abot-kaya, at napapanahong serbisyong pangkalusugan, alinsunod sa layunin ng Universal Health Care. #JKTV

Scroll to Top