Panukalang batas para sa Self-Defense Bill na pag-aari ng Baril isinusulong ni Sen. Zubiri
MESSAGE AFAD PRESIDENT ARIC TOPACIO AND SENATOR JUAN MIGUEL MIGZ ZUBIRI RIBBON CUTTING FOR CEREMONIAL OPENING
Inilahad ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri ang kanyang mga panukalang batas kaugnay ng polisiya na naglalayon na palawakin ang karapatan sa pagtatanggol sa sarili habang pinaiigting ang pananagutan ng mga iresponsableng may-ari ng baril sa harap ng mga kinatawan ng industriya sa pagbubukas ng 32nd AFAD Defense & Sporting Arms Show (DSAS) sa SMX Convention Center sa Pasay City.
Sa kanyang talumpati sa taunang pagtitipon ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD), itinampok ni Zubiri ang dalawang prayoridad na panukala: ang Senate Bill No. 1555, na magpapalakas sa karapatan sa self-defense, at ang Senate Bill No. 1897, na naglalaman ng mga rebisyong amyenda sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Sa ilalim ng SB 1555, ang sapilitang o iligal na pagpasok sa isang tahanan, sasakyan, o establisimyento ay awtomatikong ituturing na unlawful aggression, kaya’t hindi na ang taong nagtanggol sa sarili ang kailangang magpatunay na siya ay nasa panganib.
“Sa oras ng panganib, ilang segundo lamang ang mayroon ang isang tao para kumilos,” ani Zubiri. Binigyang-diin niyang ang panukala ay hindi nagbibigay ng lisensya para sa karahasan, kundi nagsisilbing proteksiyon sa mga taong biktima ng iligal na pag-atake.
Samantala, ang SB 1897 na dating na-veto ngunit ngayon ay nirebisa ay nagmumungkahi ng pagpapalawak ng mga exemption sa pagkuha ng threat assessment certificate, pagtaas ng pinapayagang dami ng bala na maaaring ariin (250 bala para sa regular na lisensyadong may-ari at 2,500 bala para sa sports shooters),
Pagpapaikli ng election gun ban sa 45 araw bago at limang araw matapos ang halalan, pagpapasimple sa paglilipat ng pagmamay-ari ng baril kapag namatay o nagkaroon ng kapansanan ang may-ari, at pagbibigay ng isang taong amnestiya para sa pagpaparehistro o pagre-renew ng lisensya.
Layunin din ng panukala na bawasan ang red tape sa lokal na industriya ng depensa sa ilalim ng Self-Reliant Defense Posture Program.
Kaugnay ng mga kamakailang insidente ng pamamaril, nilinaw ni Zubiri ang pagkakaiba ng mga responsableng gun owner at ng mga iresponsableng may-ari ng baril.
“Hindi kasalanan ng mga responsableng gun owner ang nangyaring ito,” aniya, at itinuro ang kapabayaan ng ilang may-ari na hindi maayos na naitago o na-secure ang kanilang mga baril, na paglabag sa Section 9 ng Republic Act No. 10591.
Nangako rin siyang isusulong ang mas mabigat na pananagutang kriminal at mas mahigpit na parusa laban sa mga mapapatunayang nagpabaya.
“Sa tingin ko, ang kasalukuyang parusang prisión correccional ay hindi katumbas ng buhay ng mga batang namatay,” ani Zubiri.
“Pananagutin natin ang mga may-ari ng baril na nagpabaya.
Hindi man sila ang direktang bumaril, ang kanilang kapabayaan ang nagbigay-daan upang mangyari ang trahedya,” dagdag pa niya.
Ang Defense & Sporting Arms Show (DSAS), na pinangungunahan ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines (AFAD) sa pamumuno ni Alaric “Aric” Topacio, ang itinuturing na pinakamatagal at pangunahing eksibisyon ng mga baril at kaugnay na kagamitan sa bansa.
Isinasagawa ang trade show mula Hulyo 22 hanggang Hulyo 25 sa SMX Convention Center, Mall of Asia Complex sa Pasay City.
