Pangangalap ng Datos sa Glosaryo ng Panghanapbuhay
Isinagawa noong 3 Hunyo 2026 ang pangangalap ng datos para sa Glosaryong Panghanapbuhay sa Pagpapalayok at Pagpaparol sa Brgy. Gatbuca, Calumpit, Bulacan at ang gawaing ito ay bahagi ng proyektong Diksiyonaryo bílang pagpapalawak ng bokabularyong panteknolohiya at panghanapbuhay.
Kabilang sa mga ininterbiyu sina Carmelita F. Baluyot, hulíng magpapalayok sa lugar; Milagros Ramos-Lugto, magpapalayok at may-ari ng Milabel Pottery; at Juanito Mallari Sr., magpapasô, mulâ sa Brgy. Gatbuca, Calumpit, Bulacan; pati si G. Rolando S. Quiambao na tinaguriang Parol King ng San Fernando, Pampanga.
Layunin ng gawain na magtipon ng mga terminong panghanapbuhay na nakatuon sa pagpapalayok at pagpaparol sa mga pangunahing lugar na isinasagawa ito, kabilang ang Bulacan at Pampanga. Ang mga terminong malilikom at maidokumento ay gagamiting panimulang glosaryo para sa higit pang pagpapalawak ng pananaliksik sa wika at kultura.
Pinangunahan ng KWF ang gawain, sa ilalim ng Sangay ng Leksikograpiya at Korpus ng Pilipinas kasama sina Jennifer Bactol, Mae Ann Cansino, Earvin Christian Pelagio, at Julius Pontillas. Katuwang sa gawaing ito sina Dr. Mary S. Bulaong, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura, at G. Manolito G. Mata ng Bulacan State University, Kgg. Levi Peralta-Gallardo ng Brgy. Gatbuca, Prop. Roilingel P. Calilun, Direktor ng Sentro ng Wika at Kultura ng Pampanga State University, at LGU Tourism Office ng San Fernando, Pampanga.
