Pagtalon sa tulay ng batang lalaki, napigilan ng kapulisan

DAHIL sa mabilis na pagtugon at mapagpasyang aksyon ng kapulisan ay napigilan ang tangkang pagtalon sa tulay ng isang batang lalaki kamakailan sa Tanza, Cavite.

Ang mga nagrespondeng pulis ay pinangunahan ni Police Corporal William Vilan kasama sina Patrolman Robert Brandon Peji at Patrolman John Henry Ikan mula sa 2nd Maneuver Platoon ng Cavite Provincial Mobile Force Company.

Nabatid na dakong alas-11:46 ng umaga nitong Oktubre 13 ay nakatanggap ng ulat ang kapulisan hinggil sa isang batang lalaki na sinasabing magtatangkang tumalon mula sa isang tulay sa kahabaan ng Antero Soriano Highway sa Tanza.

Mabilis na kumilos ang mga naturang pulis at napakalma ang  sitwasyon para sa katiyakan ng kaligtasan ng bata.

Pinairal ng mga pulis ang mahinahong interbensyon at mapagpasyang taktikal na pagtugon sa sitwasyong nagbabanta sa buhay kaya nailigtas ang batang lalaki na walang natamong pinsala o karagdagang insidente.

Matapos ang pagsagip ay ligtas na ipinagkatiwala ang bata sa magulang nito para sa nararapat na pangangalaga, suporta, at kustodiya.

 

Scroll to Top