Pagpapalakas ng Civil Registration sa CALABARZON, Umarangkada Na!
BATANGAS CITY, BATANGAS— Matagumpay na naisagawa ang Civil Registration Training for Local Civil Registry Office Personnel sa lalawigan ng Batangas noong ika 01-02 ng Hulyo, 2026.
Ito ay pangalawa sa serye ng pagsasanay sa rehiyon ng CALABARZON matapos ang naunang pagsasanay ng mga LCRO personnel sa Cavite noong 16-17 ng Hunyo, at susundan ng mga iba pang lalawigan ng CALABARZON sa mga buwan ng Agosto at Setyembre.
Ang nasabing pagpapalakas ng kaalaman sa Civil Registration ay mula sa inisyatibo ng Philippine Statistics Authority IV-A sa pakikipagtulungan ng liga o asosasyon ng mga Local Civil Registry Offices sa buong CALABARZON. Layon ng nasabing pagsasanay ang magbigay ng dagdag at bagong kaalaman tungkol sa proseso at mga batas na sumasaklaw sa Civil Registration, mga napapanahong Memorandum Circulars na ipinalalabas ng PSA, mga panuntunan at pamamaraan sa operasyon (operational guidelines and procedures) ng mga bagong sistema at proyekto patungkol sa civil registration, upang mas maging epektibo at naayon sa pamantayan ang paglilingkod sa publiko sa larangan ng pagtatalang sibil.
Mahalagang bahagi rin ng pagsasanay ang Open Forum na nagbigay-linaw sa mga katanungan at ang pagsusulit na sumukat sa natutunan ng mga participants.
Kabilang sa mga resource persons si PSA IV-A Regional Director Ms. Charito C. Armonia, Chief Administrative Officer Ms. Wilma A. Villafuerte, Chief Statistical Specialist Ms. Yra B. Sibug, at Supervising Statistical Specialist Ms. Raquel C. Ronario.
Ang nasabing inisyatibo ay ipagpapatuloy ng PSA IV-A upang masigurong lahat ng mga LCROs sa CALABARZON ay nabigyan ng mga nararapat na kaalaman tungkol sa Civil Registration, upang mas paigtingin ang pagpapatupad ng batas at mga proseso para sa kapakanan ng bawat Pilipino.
