Ortograpiyan nan Liniyás ay Kali, Inilunsad sa Barlig, Mountain Province

Isang makasaysayang tagumpay para sa kulturang Pilipino ang naganap noong 9 Hunyo 2026 sa Mababang Paaralan ng Lias Silangan sa Barlig, Mountain Province. Sa araw na ito, pormal na inilunsad ang Ortograpiyan nan Liniyás ay Kali (Opisyal na Ortograpiya ng Wikang Liniyás.)

Dinaluhan at personal na sinuportahan ang okasyon ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Kasabay nito, pormal ding kinilala ng KWF ang Liniyás bilang isang ganap at natatanging wika na hiwalay sa Finallig, batay sa mga resulta ng masusing pag-aaral at pagsusuring nagpatunay sa mahahalagang pagkakaiba ng dalawang wika.

Sa kaniyang mensahe, ipinahayag ni Atty. Barrios-Taran ang kaniyang kagalakan sa pagkakaroon ng isang nakasulat at opisyal na ortograpiya para sa komunidad. Aniya, ang mahalagang hakbang na ito ay nagsisilbing pamana mula sa mga ninuno at handog ng KWF sa kasalukuyan at susunod na mga salinlahi ng Barlig, lalo na ng mga mamamayan ng Lias.

Ang Pagbuo ng Ortograpiya ng mga Wika ng Pilipinas ay isang patuluyang programa ng KWF sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika, Publikasyon, at Promosyon (SLPP) na naglalayong paigtingin ang dokumentasyon, pagpapaunlad, at pagsusulong sa paggamit ng mga katutubong wika sa Pilipinas.

Ang nabuong ortograpiya ay magsisilbing mahalagang sanggunian ng komunidad at magiging epektibong midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, higit na sa konteksto ng edukasyong multilingguwal.

Scroll to Top