Ortograpiyan nan Finallig ay Kali, Inilunsad sa Barlig, Mountain Province

Naging sentro ng isang mahalagang pagdiriwang para sa kulturang Pilipino ang Barlig Central School Gym noong 10 Hunyo 2026 dahil sa pagkakaloob sa komunidad ng opisyal na kopya ng Ortograpiyan nan Finallíg ay Kali (Ortograpiya ng Wikang Finallíg) sa pangunguna at buong suporta ni Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).

Sa kaniyang mensahe, mariing ipinahayag ni Atty. Barrios-Taran na walang superyor o imperyor na wika sa bansa. Ipinaliwanag niya na ang mga wikang Kenachakran, Liniyas, at Finallig ay magkakapantay at may magkakatulad na halaga sa mata ng Komisyon. Dahil dito, hinikayat niya ang buong komunidad na huwag ikahiya ang kanilang pinagmulan, bagkus, buong-pusong yakapin at gamitin ang wikang Finallíg sa araw-araw na pakikipagtalastasan. 

Ang hakbang na ito ay bahagi ng patuloy na adbokasiya ng KWF at ng lokal na pamahalaan upang mapangalagaan, maitala, at mapayaman ang mga katutubong wika sa rehiyon.

Ang Pagbuo ng Ortograpiya ng mga Wika ng Pilipinas ay isang patuluyang programa ng KWF sa ilalim ng Sangay ng Lingguwistika, Publikasyon, at Promosyon (SLPP) na naglalayong paigtingin ang dokumentasyon, pagpapaunlad, at pagsusulong sa paggamit ng mga katutubong wika sa Pilipinas.

Ang nabuong ortograpiya ay magsisilbing mahalagang sanggunian ng komunidad at magiging epektibong midyum ng pagtuturo sa mga paaralan, higit na sa konteksto ng edukasyong multilingguwal.

Scroll to Top