Mula sa kalamay, binuo ang mas matamis na bukas
Maingat na inihahanda ni Evangeline Caballero ang kaniyang sariling gawang kalamay, isang tradisyunal na kakaning nagsilbing pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng kanilang pamilya sa loob ng maraming taon. Sa bawat timpla at pagluluto, dala niya ang mga aral ng sipag at tiyaga na naging susi sa unti-unting pag-unlad ng kanilang buhay.
Sa loob ng mahigit tatlong dekada, pinagyaman ni Evangeline Caballero mula sa Pagsanjan, Laguna ang kaniyang kakayahan sa paggawa ng kalamay. Sa pamamagitan ng sariling recipe na kaniyang hinubog at pinino sa loob ng maraming taon, nakalikha siya ng produktong patuloy na tinatangkilik at binabalik-balikan ng kaniyang mga suki.
Isa ang kalamay sa mga pinakapaboritong kakanin ng mga Pilipino. Gawa ito sa malagkit na bigas, asukal na pula, at gata ng niyog. Dahil sa masusing proseso ng pagluluto nito, karaniwan lamang itong inihahanda noon sa mga espesyal na okasyon. Ngunit sa paglipas ng panahon, naging bahagi na rin ito ng pang-araw-araw na meryenda at handaan ng maraming Pilipino.
Pagbuo ng sariling recipe
Tubong Quezon si Evangeline ngunit lumipat siya sa Laguna sa paghahanap niya ng mas magandang kinabukasan. Dito rin niya nakilala ang kaniyang napangasawa at naglaon ay bumuo na rin sila ng sariling pamilya.
Habang lumalaki ang kanilang mga anak, naghanap siya ng paraan upang makatulong sa gastusin ng pamilya. Isa sa mga sinubukan niya ang paggawa ng kalamay kahit wala siyang anumang karanasan sa pagluluto nito. Sa pamamagitan ng masusing pagmamasid sa mga kakilala niyang gumagawa ng kalamay, unti-unti niyang natutuhan ang mga teknik at proseso hanggang sa magkaroon siya ng sapat na kaalaman upang magsimula ng sariling hanapbuhay.
“Kung kaya nila, kaya ko rin,” masaya niyang pagbabahagi.
Sa pamamagitan ng walang sawa niyang pagsubok at pag-eeksperimento, natuklasan na rin niya ang tamang timpla at lasa na nais niyang maihain sa kaniyang mga mamimili. Mula rito ay nabuo ang recipe na naging pundasyon ng kaniyang negosyo sa loob ng maraming taon.
Nagsimula ang kanilang negosyo sa isang maliit na puwesto sa gilid ng kalsada. Sa tuwing may clearing operation, mabilis nilang inaayos ang kanilang mga paninda at naghahanap ng ibang lugar na mapagbebentahan. Halos dalawang dekada nilang hinarap ang ganitong sitwasyon bago siya nabigyan ng permanenteng puwesto sa pampublikong pamilihan noong 2010 sa pamamagitan ng programa ng lokal na pamahalaan para sa mga street vendor.
Malaki ang naging epekto ng pagkakaroon ng sariling puwesto sa paglago ng kaniyang negosyo. Naging mas maayos ang kaniyang operasyon at mas napamahalaan niya ang kaniyang oras. Sa kasalukuyan, mayroon na siyang dalawang tauhang magkakasunod sa pagbabantay ng tindahan upang higit niyang matutukan ang paggawa ng kalamay. Umaabot sa 12 kilo ng kalamay ang kaniyang naluluto kada araw tuwing peak season, habang anim na kilo naman sa mga karaniwang araw.
Puhunan para sa mas malaking pangarap
Sa kasalukuyan ay mayroon siyang loan na nagkakahalaga na PHP 95,000 mula sa CARD MRI Rizal Bank, Inc. (CARD RBI) na ginagamit niya upang patuloy na masuportahan ang paglago ng kaniyang negosyo.
Una siyang naging kliyente ng CARD, Inc. noong 1996. Habang lumalawak ang kaniyang negosyo at tumataas ang pangangailangan sa puhunan, lumipat siya sa CARD RBI upang magkaroon ng mas angkop na suportang pinansyal para sa pagpapalago ng kaniyang kabuhayan at pagtupad sa mas malalaking mithiin para sa kaniyang pamilya.
May mga pagkakataong mahina ang bentahan, ngunit para kay Evangeline, likas na bahagi na ito ng pagnenegosyo. Sa halip na panghinaan ng loob, ginagawa niya itong inspirasyon upang magpatuloy at pagbutihin pa ang kaniyang ginagawa.
“Hindi uunlad ang negosyo kung walang tiyaga. Laging panatilihin ang positibong pag-iisip kahit hindi naaayon sa plano ang mga nangyayari dahil darating ang panahon na muli kang babangon at mas magiging matatag pa,” aniya.
Para kay Evangeline, ang tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa dami ng naibebenta, kundi sa kakayahang magpatuloy sa kabila ng mga pagsubok. Sa bawat kalamay na kaniyang niluluto, patuloy niyang pinatutunayan na sa sipag, tiyaga, at paniniwala sa sariling kakayahan, unti-unting natutupad ang mga pangarap at nabubuo ang mas matamis na kinabukasan. (Josephine Ramos, Junior Writer)
