Milyong halaga ng shabu, nasabat sa 3 HVI

MILYONG halaga ng hinihinalang shabu ang nasabat matapos ang pagkakaaresto sa tatlong High-Value Individuals (HVIs) kaugnay ng ikinasang magkasanib na operasyon ng kapulisan kamakailan sa Dasmariñas City, Cavite.

Kinilala sa mga alyas ang tatlong suspek na sina Monyo, Ryan, at Angel, pawang residente ng Barangay Paliparan 3, Dasmariñas City.

Ikinasa ang joint buy-bust operation sa Mabuhay City, Barangay Paliparan 3, Dasmariñas City, dakong alas 6:15 ng gabi nitong Hunyo 9.

Pinangunahan ng mga tauhan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Cavite Police Provincial Office ang nasabing operasyon katuwang ang mga operatiba ng Dasmariñas City Component Police Station, na may koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Naging matagumpay ang operasyon dahil bukod sa pagkakaaresto sa mga suspek ay nakumpiska sa kanilang pag-iingat ang dalawang knot-tied transparent plastic ice bag at tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu, na may kabuuang timbang na mahigit o mas mababa sa 200 gramo at tinatayang Standard Presyo ng Gamot na P1,360,000.

Kumpiskado rin ang isang Five Hundred Peso (P500.00) bill na may serial number na BG505167 na ginamit bilang buy-bust money; at isang Android cellular phone.

Scroll to Top