Masaganang Agri-turismo sa CALABARZON, Ipinamalas sa CPTEx ‘26 sa pamamagitan ng AGRI360°
Mula sa mga sariwang ani hanggang sa mga produkto mula sa mga sakahan, ipinamalas ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at piling Learning Sites for Agriculture (LSAs) na makulay at masagana ang agri-turismo sa rehiyon sa pamamagitan ng digital extension platform ng ahensya na AGRI360°.
Sa loob ng tatlong araw mula Hunyo 26-28, 2026, nakiisa ang DA-ATI CALABARZON sa Central Philippines Tourism Expo (CPTEx) 2026, kasama ang ilan sa mga akreditadong Department of Tourism (DOT) farm sa rehiyon. Kabilang dito ang Girasoles Farm (Candelaria, Quezon), Gintong Bukid Farm and Leisure (Nagcarlan, Laguna), at Bounty Harvest Farm (Indang, Cavite).
Ginanap ang aktibidad sa Ayala Malls Solenad, Sta. Rosa City, Laguna, na naglalayong mas maipakilala ang mga ipinagmamalaking pasyalan, pagkain, kultura, pagdiriwang, at iba’t ibang produkto ng mga rehiyon sa bansa.
Dumalo sa pagtatapos ng aktibidad si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, at tumanggap ng sertipiko para sa pakikibahagi at suporta ng ahensya sa CPTEx
Bahagi ang pakikiisa ng DA-ATI CALABARZON sa kolaborasyon nito sa DOT CALABARZON para sa AGRI360°, isang inisyatibang naglalayong isulong ang agri-turismo habang ipinakikilala ang mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka.
