‘Lupin’ ng Maynila, Iniharap sa media ni Mayor Isko

INIHARAP sa media ni Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno Domagozo ang tinaguriang alyas ‘Lupin’ ng Maynila matapos ang pagkakaaresto nito kamakailan.

Sinasabing si Lupin, 47, binata, at residente ng 1815 Antonio Rivera St., Barangay 234, Zone 23, Tondo, Manila, ay notoryus umanong holdaper ng mga coffee shop.

Nagsagawa ng pinagsamang operasyon ang mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team sa pamumuno ni PLT Ryan O. Valenzulea, sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Cicero M. Pura (hepe ng S.Ma.R.T), katuwang ang mga tauhan ng Sampaloc Police Station (PS-4) sa pamumuno ni PLT Christopher Nogoy (PCP Commander, Gulod PCP) at sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Bryan B. Sagayadoro (Station Commander, MPD-PS4) sa kahabaan ng Antonio Rivera St., Barangay 234, Zone 23, Tondo, na nagresulta sa pag-aresto sa suspek na si Lupin dahil sa paglabag sa batas hinggil sa robbery (Art. 293 ng Revised Penal Code) at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

Matatandaan na nitong Setyembre 5 dakong alas-11:30 ng gabi, habang naka-duty ang biktima sa OSS Café Shop na matatagpuan sa G. Tuazon St., Sampaloc, Maynila, ay maingat na lumapit sa kanya ang suspek at nagpakilalang miyembro ng barangay.

Ipinaalam ng suspek sa kanya ang tungkol sa clearing operation sa tapat ng kanilang coffee shop.

Lumabas ang biktima ngunit doon ay pinagbantaan siya ng suspek habang nakatutok ang baril.

Nagbabala ang suspek na papatayin siya sakaling tumanggi ibigay ang kanyang cellphone (iPhone 14) na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php 48,000.00,  at agad na tumakas si Lupin.

Kabilang sa mga ebidensyang nakumpiska ay ang isang iPhone 14, isang piraso ng improvised na baril na kilala rin bilang “Pen Gun,” at isang piraso ng 9mm live ammunition.

Sa pagkakaharap kay Lupin sa media ay mahigpit na nagbabala ang alkalde na huwag subuking gumawa ng ano mang krimen sa Maynila.

Sabi ni Mayor Isko, palaging nakahanda ang puwersa ng Manila Police District sa paghabol at pagtugis sa mga kriminal saan man maglungga o magtago ang mga ito. (Larawan at teksto ni CH)

Scroll to Top