Letran panalo kontra JRU sa NCAA Season 102 men’s basketball
KEVIN SANTOS – LETRAN VS JRU – JAMHIR ELIGADO
Nakaligtas ang Letran sa dikit na laban kontra sa Jose Rizal University, 70-66, sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament sa San Juan Arena.
Wala man ang kanilang panguanahing playmaker na si Titing Manalili, tinapos ng Knights ang apat na sunod na ratsada ng Heavy Bombers upang iangat ang kanilang rekord sa 5-3 sa Group B.
“Sa’min naman, ‘di namin ginawang reason ‘yong wala si Jonathan (Manalili), nagstep-up ‘yong mga kasama namin, lahat, kahit ‘yong mga nasa bench,” ani Aaron Buensalida, patungkol sa naging problema ng koponan dahil sa knee sprain ng kanilang bituin.
“‘Yong key point dito aside sa offense namin ay ‘yong defense namin. ‘Yon ‘yong pinakabunga ng game na ‘to para manalo.”
Hawak ng JRU ang manipis na kalamangan kontra sa Knights sa huling yugto, 58-57, bago kumawala ang Letran sa pamamagitan ng 6-1 blitz na tinapos ng maikling tira ni Denzil Walker upang ibigay sa kanyang koponan ang kalamangan na 64-58 may 5:31 na lamang ang natitira sa laro.
Nagawang makalapit ng Heavy Bombers sa huling bahagi ng laro, at ibinaba ang kanilang pagkakalayo sa dalawang puntos, 67-65, matapos ang basket ni Jay Garupil sa 3:03 mark ng yugto.Gayunpaman, pumanig ang suwerte sa Letran.
Naipasok ni Nat Montecillo ang isa sa kanyang dalawang free throw upang ibigay sa Knights ang 68-65 na bentahe may 17 segundo na lamang ang natitira.
Pinilit ng JRU na makuha ang laro sa pamamagitan ng pilit na tres ni Chris Hubilla sa huling bahagi ngunit hindi ito pumasok, dahilan upang bumaba ang Heavy Bombers sa rekord na 6-2 sa Group A.
Nanguna si Chad Gammad para sa Letran na may 21 puntos mula sa apat na tres. Nagtala si Walker ng 11 puntos habang nag-ambag si Kevin Santos ng 10 puntos sa panalo.
Huling-huli sa double-double si Mangubat na may 18 puntos at walong rebound sa pagkatalo ng JRU. Nagdagdag din si Sean Salvador ng 11 puntos para sa Heavy Bombers.
