Legarda: “TAKE-OVER” SA SENADO, LABAG SA KONSTITUSYON AT SA RULES NG SENADO
Iginiit ni Senate President Pro Tempore at Four Term Senator Loren Legarda na labag sa Salingang Batas ang ginawang Takeover ng Minority Block sa Senado.
Ayon kay Legarda, walang senador na maaaring *tumayong* Senate President sa boto lamang *ng* labindalawang miyembro. Malinaw na nakasaad sa Article VI, Section 16(1) ng 1987 Constitution na ang Senate President ay *mahahalal lamang* sa pamamagitan ng boto ng mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado. Dahil dalawampu’t apat ang kabuuang bilang ng mga senador, labintatlong boto ang kailangan upang magkaroon ng mayorya.
At dahil labindalawa lamang ang boto ng Minorya, wala silang sapat na bilang para maghalal ng Senate President o magbigay ng awtoridad sa sinumang senador na gumanap bilang Senate President.
Sa ilalim naman ng Rule II, Section 2 ng Rules of the Senate, “Ang mga opisyal ng Senado ay ihahalal sa pamamagitan ng boto ng mayorya ng lahat ng mga kasapi nito.” Ibig sabihin, kailangan din ng hindi bababa sa labintatlong boto upang mahalal ang Senate President Pro Tempore, Senate Secretary, at Sergeant-at-Arms.
Ayon kay Legarda, malinaw itong kinilala at inamin mismo ng mga senador ng Minorya sa kanilang mga pahayag. Ito ang ang rason kung bakit hindi sila *naghalal* ng Senate President dahil kulang sila sa kinakailangang labintatlong boto. Sa parehong dahilan, wala rin silang sapat na bilang upang legal na maghalal ng Senate President Pro Tempore.
“Malinaw ang Konstitusyon at ang mga tuntunin ng Senado, dapat itong sundin ayon sa nakasulat,” diin ni Legarda.
“Dalawampu’t apat ang kabuuang miyembro ng Senado. Ang mayorya ng dalawampu’t apat ay labintatlo. Kung walang labintatlong senador, hindi maaaring magsagawa ng opisyal na transaksyon ang Senado.”
Dagdag pa niya, dahil walang quorum na labintatlo, wala ring batayan upang baguhin ang mga committee chairmanship ng Senado.
Binigyang-diin din ni Legarda na ang pansamantalang pagliban ng ilang senador ay hindi dapat gamitin upang alisin ang kanilang representasyon.
“Hangga’t walang pagka-bakante, pagbibitiw, pagpapatalsik, pinal na diskwalipikasyon, o iba pang legal na dahilan na kinikilala ng batas, nananatiling bahagi ng Senado ang mga senador,” ani Legarda.
“Naninindigan tayo sa ating paggalang sa Konstitusyon,” dagdag niya. “Anumang proseso o hakbang na isinagawa nang walang quorum na hinihingi ng Konstitusyon ay nagbubukas ng seryosong usapin sa bisa at legalidad nito at hindi maituturing na naaayon sa malinaw na mandato ng Saligang Batas.”
