Legarda: “Sa wakas, wala nang VAT ang system loss” - VAT sa iba pang singil sa kuryente, dapat alisin din; maling nasingil, dapat ibalik
Iginiit ni Senador Loren Legarda na malaking hakbang tungo sa mas patas na singil sa kuryente ang pagtanggal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa value-added tax (VAT) sa allowable system loss charges, ilang buwan matapos niyang unang kuwestiyunin ang pagbubuwis dito sa gitna ng krisis sa enerhiya at itulak ang agarang aksyon bago pa ito naging malawak na usapin. Noon pang Marso 2026, kinuwestiyon na ni Legarda ang VAT sa system loss at iba pang singil sa kuryente at naghain ng panukalang batas upang tugunan ito.
Noong Setyembre 14, 2026, inilabas ng BIR ang Revenue Memorandum Circular No. 97-2026, na kumikilala sa allowable System Loss Charge na pasok sa itinakdang cap ng Energy Regulatory Commission (ERC) bilang isang government-mandated pass-through cost. Dahil dito, hindi na ito isasama sa gross sales ng generation companies, National Grid Corporation of the Philippines, at distribution utilities para sa pagkukuwenta ng VAT.
Isa si Legarda sa mga unang opisyal ng pamahalaan na tahasang kumuwestiyon sa pagpapataw ng VAT sa system loss at iba pang bahagi ng electric bill habang nahaharap ang mga consumer sa tumataas na presyo ng enerhiya noong unang mga pagdinig ng Senate PROTECT Committee noong Marso 2026. Bago pa lumawak ang usapin, naghain na rin siya noong Marso 11 ng Senate Bill No. 1963.
“Noong Marso pa lang, tinapat ko na ang mga ahensya noong unang PROTECT hearing: bakit hindi tanggalin ang VAT sa system loss at iba pang charges? Bakit kailangang magbayad pa ng VAT ang consumer sa mga singil na hindi naman nila napakinabangan? At bago pa man ang PROTECT, naghain na tayo ng panukala para magkaroon ng malinaw at patas na batayan sa pagbubuwis, hindi lang sa system loss kundi kasama na rin ang lifeline at iba pang electricity charges, sa Senate Bill No. 1963 o ang VAT Treatment of Socialized Electricity Subsidies and Statutory Charges Act. Sa wakas, wala nang VAT ang system loss,” ipinahayag ni Legarda.
Ipinaliwanag ni Legarda na may agarang ginhawang maidudulot ang hakbang na ito sa mga pamilyang Pilipino. Batay sa average residential rates ng MERALCO noong 2025, ang isang household na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan ay nagbabayad ng humigit-kumulang ₱137 sa system loss charges. Kapag inalis ang 12% VAT dito, maaari itong mangahulugan ng bawas na nasa ₱16 kada buwan, o halos ₱200 kada taon. Para naman sa residential consumer na gumagamit ng 600 kWh kada buwan, maaaring umabot sa humigit-kumulang ₱49 kada buwan, o halos ₱600 kada taon, ang matitipid.
“Pero tandaan natin, VAT sa system loss pa lang ito. Maliit pa ang bawas ngayon, pero may iba pang charges sa electric bill na puwede pa nating tingnan. Kaya nga naghain tayo ng panukala para alisin din ang VAT sa iba pang singil sa kuryente. Ipinakita ng BIR na may mga bagay na puwede naman palang ayusin sa tamang pagpapatupad ng batas, kahit hindi na hintayin ang panibagong batas. Sana tingnan din ng BIR at iba pang ahensya kung saan pa puwedeng magbawas para gumaan naman kahit kaunti ang buwanang bayarin ng consumers,” ipinahayag ni Legarda.
Binigyang-diin ni Legarda na bahagi ito ng mas malawak niyang adyenda upang maibsan ang pasanin ng mga consumer at mabawasan ang buwis. Nitong taon, naghain siya ng Senate Bill No. 1851 upang ibaba mula 12% tungo sa 10% ang general VAT rate; Senate Bill No. 1857 upang mapagaan ang buwis sa mga pangunahing bilihin, mahahalagang utilities, at serbisyong medikal; Senate Bill No. 2255 o KITA Act upang madagdagan ang take-home pay ng mga manggagawa; at Senate Bill No. 2435 upang palakasin ang fuel security, transparency sa presyo, at proteksyon ng consumers sa panahon ng fuel emergencies.
“Magkakaugnay ang lahat ng ito. Kapag mataas ang kuryente, gasolina, pagkain at gamot, lumiit ang tunay na halaga ng sahod. Kaya kailangan nating dagdagan ang naiuuwi ng manggagawa at bawasan ang mga buwis at singil na nagpapabigat sa pamilya,” ipinahayag ni Legarda.
Ayon sa Senador, simula pa lamang ang kasalukuyang mga reporma sa buwis at mga hakbang upang maibsan ang gastos ng publiko. Dahil may mga consumer na nasingil ng buwis na hindi naman dapat ipinataw, sinabi niyang dapat gamitin ng pamahalaan ang lahat ng legal na paraan upang maibalik o ma-credit sa kanila ang mga maling nasingil na halaga.
“Ngayong malinaw na mali ang pagbubuwis sa taumbayan sa allowable system loss, dapat lang hanapan ng paraan ng pamahalaan na maibalik o ma-credit sa consumers ang VAT na maling nasingil sa kanila. Refund must follow,” ipinahayag ni Legarda.
Dagdag niya, dapat suriin ng BIR, ERC, Department of Energy (DOE), at iba pang kinauukulang ahensya ang lahat ng mekanismong pinahihintulutan ng umiiral na batas upang maibigay ang nararapat na ginhawa sa consumers, sa pamamagitan man ng refund, bill credits, tax credits, o iba pang legal na paraan.
Hinimok din ni Legarda ang mga consumer na maging mas mapagmatyag sa kanilang electric bill at agad i-report ang anumang kuwestiyonableng singil.
“Sa mga consumers, bantayan natin ang ating bill. Tingnan kung tama ang mga singil at kung may charge na hindi malinaw, itanong agad sa distribution utility at ipaalam din sa ERC. Maaari ring i-save o kuhanan ng litrato ang bill para may record tayo. Kung may nakitang mali o hindi maipaliwanag na singil, huwag palampasin. I-report agad para maimbestigahan at maitama,” ipinahayag ni Legarda.
Agad na nagkabisa ang RMC No. 97-2026 at ipatutupad ito prospectively alinsunod sa effectivity provisions ng ERC Resolution No. 26, Series of 2026.
