Legarda, nanawagan sa DepEd at mga LGU na maglagay ng imbakan ng tubig-ulan sa mga paaralan bilang paghahanda sa El Niño
Nanawagan si Senadora Loren Legarda sa Department of Education (DepEd) at mga lokal na pamahalaan na unahin ang paglalagay ng mga sistema ng pag-iipon ng tubig-ulan o rainwater catchment systems sa mga pampublikong paaralan bilang paghahanda sa posibleng matinding kakulangan ng tubig dulot ng El Niño.
Ito ang unang hakbang sa kaniyang 10-Point Policy Action Plan na naglalayong mabawasan ang epekto ng El Niño sa mga komunidad. Sa pamamagitan nito, maaaring makapag-ipon ang mga paaralan ng tubig-ulan na magagamit sa paglilinis ng mga pasilidad at pagpapanatili ng maayos na sanitasyon, lalo na sa mga lugar na walang regular na suplay ng tubig.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nararanasan na sa tropical Pacific ang malakas hanggang napakalakas na El Niño. Inaasahang magpapatuloy ang kondisyon hanggang sa unang tatlong buwan ng 2027, habang ang mga epekto nito ay maaaring maramdaman hanggang sa unang kalahati ng taon.
Bagama’t maaaring magdulot ang El Niño ng mas kaunting pag-ulan at matagal na tagtuyot, posible pa ring umulan sa ilang bahagi ng bansa dahil sa mga bagyo at iba pang kondisyon ng panahon. Para kay Legarda, dapat samantalahin ang mga pagkakataong ito upang makapag-imbak ng tubig bago pa lumala ang kakulangan sa suplay.
“May mga lugar na umuulan pa ngayon. Dapat ngayon pa lang, naglalagay na tayo ng mga rain catchment facilities upang maipon ito. Maaari nating simulan sa mga paaralan kung saan malaking tulong ang mga naipong tubig upang mapanatili ang kalinisan at sanitasyon ng mga pasilidad,” ani Legarda.
Bilang unang hakbang sa kaniyang plano, hinikayat ng senadora ang DepEd at mga lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa PAGASA upang tukuyin ang mga paaralang angkop lagyan ng mga tangke, lalagyan ng tubig-ulan, at alulod na magdadala ng tubig mula sa bubong patungo sa mga imbakan.
Ang maiipong tubig ay maaaring gamitin sa mga gawaing hindi nangangailangan ng inuming tubig, gaya ng pag-flush ng palikuran at paglilinis ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad.
Mayroon nang gabay ang DepEd sa ilalim ng Water, Sanitation, and Hygiene in Schools (WinS) na nagtatakda ng paggamit ng rainwater catchment systems upang makatulong sa pangangailangan ng mga paaralan sa tubig, lalo na sa panahon ng emerhensiya at sa mga lugar na walang maaasahang suplay.
Batay sa teknikal na gabay ng WinS, maaaring gamitin bilang panimulang pagtataya ang humigit-kumulang limang litro ng tubig kada mag-aaral bawat araw para sa pangunahing kalinisan at paglilinis. Inirerekomenda rin ang paglalagay ng mga salaan sa alulod upang hindi makapasok ang mga dahon at dumi sa tangke, gayundin ang paggamit ng first-flush diverter upang maihiwalay ang unang daloy ng tubig-ulan na maaaring may dalang dumi mula sa bubong. Dapat ding linisin ang mga tangke tuwing anim na buwan.
Binigyang-pansin din ni Legarda ang pangangailangang ibatay ang paglalagay ng mga pasilidad sa aktuwal na pangangailangan ng bawat paaralan, laki ng bubong, dami ng ulan sa lugar, at kapasidad ng mga kasalukuyang pasilidad. Kailangan ding tiyaking may maayos na takip at regular na nililinis ang mga imbakan upang maiwasan ang kontaminasyon at pamumugad ng lamok.
Para naman sa mga lugar na nakararanas na ng matinding tagtuyot at halos wala nang ulan, iminungkahi ni Legarda na makipagtulungan ang mga lokal na pamahalaan sa Bureau of Fire Protection (BFP) at mga lokal na water district upang makapagdala ng tubig gamit ang mga tanker truck. Sa ganitong paraan, maaaring lagyan ng tubig ang mga nakahandang imbakan sa mga paaralan at magamit ang mga ito bilang pansamantalang suplay para sa sanitasyon.
“Sa mga lugar kung saan umuulan at uulan pa, lagyan natin ng rainwater catchment systems. Para naman sa mga lugar na nasa kasagsagan na ng El Nino, dapat sila ay mahatiran ng tubig. Tingnan natin kung ano ang maaaring gawin ngayon at anong pondong gagamitin,” dagdag ng senadora.
Kaugnay ang panukalang ito sa mga hakbang para sa paghahanda at pag-angkop sa pagbabago ng klima sa ilalim ng Climate Change Act of 2009, na kaniyang pangunahing iniakda at itinaguyod sa Senado, at People’s Survival Fund Act of 2012, na kaniyang naging co-author at principal sponsor.
Naghain din si Legarda ng Senate Bill No. 815 o panukalang Soil and Water Conservation Act sa ika-20 Kongreso, na naglalayong isulong ang mga paraan ng pangangalaga sa lupa at tubig, kabilang ang pag-iipon at paggamit ng tubig-ulan.
Bahagi ang panukala sa mas malawak na plano ni Legarda laban sa El Niño na kaniyang inihayag noong Oktubre 19, kasunod ng paghahain ng Senate Resolution No. 733. Layunin ng resolusyon na siyasatin ang kahandaan ng pamahalaan, mga kasalukuyang programa, at kung sapat ang pondong inilaan upang matugunan ang inaasahang epekto ng El Niño.
Ayon sa senadora, habang sinusuri ang kahandaan at mga mapagkukunan ng pamahalaan, mahalagang maisagawa na rin ang mga praktikal na hakbang na makatutulong sa mga paaralan at komunidad na makapaghanda sa kakulangan ng tubig.
“We have to make good use of the time and resources available to us. Naghain na tayo ng resolusyon para masuri kung handa ang gobyerno at sapat ang pondo. Pero may mga solusyon na maaari nang simulan ngayon. Isa na rito ang pag-iipon ng tubig-ulan sa mga paaralan,” pagtatapos ni Legarda.
