KWF, LUMAGDA SA PAG-RENEW NG KASUNDUAN PARA SA SWK-SorSU AT PAGTATATAG NG SWK-SLMCS
Lumagda sina KWF Tagapangulong Atty. Marites A. Barrios-Taran at Fultaym Komisyoner para sa Programa at Proyekto na si Dr. Carmelita C. Abdurahman, bilang mga kinatawan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa pagpapanibago ng kontrata ng Sentro ng Wika at Kultura ng Sorsogon State University (SWK-SorSU) at sa Memorandum ng Unawaan (MOU) para sa pagtatatag ng Sentro ng Wika at Kultura ng St. Louise de Marillac College of Sorsogon (SLMCS). Isinagawa ang paglagda noong 2 Oktubre 2026 sa Boardroom ng Sorsogon State University (SorSU).
Nagpahayag ng kaniyang mensahe at rasyonale ng gawain si Tagapangulong Barrios-Taran, habang nagbigay rin ng hiwalay na mensahe si Fultaym Komisyoner Abdurahman bilang pagsuporta sa pagpapatibay ng mga programa at proyektong pampananaliksik at pangkultura sa rehiyon.
Naging bahagi rin ng programa sina Dr. Evelyn C. Oliquino, Komisyoner para sa Wikang Bikol; Sr. Maria Felipa Fe C. Javen, DC, Pangulo ng SLMCS; Dr. Jhonner D. Ricafort, Pangalawang Pangulo para sa mga Gawaing Akademiko ng SorSU; Dr. Leopoldo Transona, Jr., Pangulo ng Samahan ng SWK Direktor; at Dr. Felisa D. Marbella, Direktor ng SWK-SorSU.
