Kelot, arestado sa hindi rehistradong baril; gun bun
ARESTADO ang isang indibidwal na hinihinalang nagmamay-ari ng hindi rehistradong baril sa gitna ng gun ban para sa espesyal na halalan sa Dasmariñas City, Cavite, kamakailan.
Ang suspek na si alyas Emman ay naharap sa paglabag sa Republic Act No. 10591, kilala rin bilang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition, at gayundin sa paglabag sa gun ban ng Omnibus Election Code kaugnay ng Special Election sa Dasmariñas City, Cavite.
Nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon nitong Setyembre 1, sa Fatima Proper Road, Barangay Fatima 1, Dasmariñas City, ay nagsagawa ng operasyon laban sa mga iligal na baril sa pamamagitan ng isang buy-bust operation ang mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit (PIU), bilang nangungunang yunit, kasama ang mga tauhan ng Dasmariñas City Police Station.
Nagresulta ang operasyon sa pag-aresto kay Emman, na kasalukuyang naninirahan sa Barangay Molino 4, Bacoor City. Narekober mula sa kanyang pag-iingat ang isang yunit ng .45 caliber pistol (LLAMA GABILONDOY CIA VICTORIA ESPAÑA, LLAMA MAX-I 45 L/F) na may nakasalpak na magazine na naglalaman ng dalawang piraso ng bala; isang ekstrang magazine na may dalawang piraso ng bala; isang holster para sa magazine; isang holster para sa baril; at isang sling bag na naglalaman ng isang holster para sa baril.
Kabilang pa sa mga narekober ang isang pitaka, dalawang Android cellphone, at apat na iba’t ibang identification card; isang tunay na P1,000.00 bill na ginamit bilang buy-bust money, na isinama sa dalawampu’t siyam na piraso ng P1,000.00 boodle money; at isang motorsiklong Yamaha na kulay asul at itim.
