Kauna-unahang Pagsasanay sa Produksyon ng Nata de Coco, Dagdag-Kabuhayan para sa mga Magniniyog
Patuloy na pinalalakas ng Department of Agriculture-Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang kaalaman at kasanayan ng mga magniniyog ukol sa iba’t ibang teknolohiyang may kinalaman sa produksyon at pagpoproseso ng niyog upang mapalawak ang kabuhayan at mapataas ang kanilang kita.
Bilang suporta dito, sinanay ng ahensya ang 30 magniniyog at mga nagpoproseso ng niyog sa kauna-unahang COCONUTa: Training on Nata de Coco Production and Processing sa rehiyon, na isinagawa noong Hulyo 21-23, 2026, sa Kititay Farm, isang Learning Site for Agriculture (LSA) sa Magdalena, Laguna.
Katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV-A, nakibahagi sa hands-on demonstration ang mga kalahok sa ikalawang araw, kung saan aktuwal nilang isinagawa ang bawat hakbang sa paggawa ng nata de coco sa gabay ng mga tagapagsanay mula sa Cavite State University (CvSU). Nagsilbing mga tagapagsanay sina Engr. Andy Dizon, Bb. Allissa Abestado, at Dr. Camille Moron ng CvSU; gayundin sina Bb. Coleen Dimaranan at Bb. Laime Jane Guevarra ng PCA IV-A.
Nagtungo rin ang mga kalahok sa Alaminos, Laguna para sa isang benchmarking activity, kung saan kanilang nasaksihan ang mga angkop na pasilidad, best practices sa operasyon, at nakapanayam ang mga may-ari upang matuto mula sa kanilang mga karanasan at mahahalagang aral sa matagumpay na pagpapatakbo ng negosyo.
“Ang pagsasanay na ito ay nagbigay ng panibagong pananaw kung paano mas mapapakinabangan ang niyog sa pamamagitan ng value addition. Sa halip na ibenta lamang ang niyog bilang hilaw na produkto, ipinakita sa pagsasanay na maaari itong gawing mga produktong may mas mataas na halaga, tulad ng nata de coco, na may mas malaking potensyal na makapagbigay ng dagdag na kita sa mga magsasaka at kanilang mga samahan,” ani Ruby Joy Castillano ng Luisiana, Laguna.
Sa pangwakas na programa, nagbigay ng mensahe si G. Warren M. De Guzman, Division Chief I ng PCA Laguna/Rizal. Hinikayat niya ang mga kalahok na gamitin ang mga kaalamang kanilang natutuhan at patuloy na paunlarin ang mga ito upang makalikha ng mga produktong may mas mataas na halaga mula sa niyog.
Samantala, binigyang-diin ni Dr. Rolando V. Maningas, RAgr, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, na ang pagsasanay ay nagsisilbing simula pa lamang ng paglalakbay ng mga kalahok sa value-adding ng niyog. Hinikayat din niya ang mga kalahok na ipagpatuloy ang paglinang ng kanilang kakayahan at isabuhay ang kanilang mga natutuhan upang makalikha ng mga de-kalidad na produktong maaaring maging daan sa mas maunlad na kabuhayan.
Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, inaasahang higit pang mapalalawak ang kakayahan ng mga magniniyog at mga nagpoproseso ng niyog sa paglikha ng mga produktong may mas mataas na halaga, na magbubukas ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan at mag-aambag sa patuloy na pag-unlad ng industriya.
Ulat ni: Archie C. Linsasagin
