Kauna-unahang Bantayog-Wika sa Aklan, planong ipatayo sa Kalibo!
Pormal nang iniharap ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Presentasyon ng Proyektong Bantayog-Wika 2026 sa Lokal na Pamahalaan (LGU) ng Kalibo noong 21 Mayo 2026 sa Kalibo, Aklan. Target ng proyekto na maitayo ang kauna-unahang Bantayog-Wika sa lalawigan bago matapos ang taon.
Sa pangunguna ni Komisyoner Carmelita C. Abdurahaman, tinalakay sa presentasyon ang mga layunin, adhikain, modelo, at teknikal na aspekto ng proyekto kay Bise Alkalde at Kasalukuyang Nanunungkulang Alkalde ng Kalibo, Kgg. Phillip Yerro Kimpo Jr. Nagpahayag din ng buong suporta sa makasaysayang inisyatibang ito si Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng KWF.
Bilang bahagi ng paghahanda, nagsagawa ng ocular inspection sina Tagapangulong Barrios-Taran at si Komisyoner Abdurahman sa Pastrana Park, na matatagpuan mismo sa sentro ng poblacion ng Kalibo. Ang lugar ay potensiyal at praktikal na lokasyon para sa pagpapatayo ng bantayog.
Ang Bantayog-Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino ay isang mahalagang proyekto na naglalayong kilalanin, pangalagaan, at ipagmalaki ang yamang-wika at kultura ng bawat rehiyon sa Pilipinas.
