Inflation rate sa rehiyon ng CALABARZON, naitala sa 5.6 percent noong Agosto 2026
CITY OF LIPA, Batangas – Naitala sa 5.6 percent ang headline inflation sa rehiyon ng CALABARZON para sa buwan ng Agosto 2026, ayon sa pag-uulat ni Officer-in-Charge Charity O. Bautisa ng Statistical Operations and Coordination Division (SOCD) ng Philippine Statistics Authority (PSA) CALABARZON, sa ginanap na regional press conference nitong Miyerkules, ika-09 ng Setyembre taong kasalukuyan.
Ang paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ay bahagyang mas mabagal kumpara sa inflation ng rehiyon noong Hulyo 2026, na nasa 5.8 percent, at mas mabilis naman kaysa noong Agosto 2025 na naitala sa 2.4 percent.
Sa kasalukuyan, ang year-to-date inflation rate mula Enero hanggang Agosto 2026 ay tinatayang nasa 5.1 percent.
Sa mga pangkat ng kalakal, ang pangunahing dahilan ng mas mabagal na pagtaas sa pangkalahatang presyo sa rehiyon nitong Agosto 2026, kumpara noong nakaraang buwan ng Hulyo 2026, ay ang pagbaba ng presyo ng Food and non-alcoholic beverages na may 2.1 percent inflation. Ito ay sinundan ng Housing, water, electricity, gas, and other fuels na may 8.8 percent inflation.
Gayundin, sa mga grupo ng pagkaing produkto sa rehiyon, ang mga sumusunod na pangkat ay nagpakita ng mas mabilis na pagtaas ng presyo nitong buwan ng Agosto 2026 kumpara noong buwan ng Hulyo 2026: Bigas (14.2 percent); Fruits and nuts (8.0 percent); Flour, bread and other bakery products, pasta products, and other cereals (6.4 percent); at Ready-made food and other food products (4.8 percent).
Sa kabilang banda, ang Fish and other seafood na may 6.9 percent inflation; Oils and fats na may 6.2 percent inflation at Mais na may 1.8 percent inflation ay ang mga pangkat ng pagkain na nagpakita ng mas mabagal na pagtaas ng presyo noong buwan ng Agosto kumpara noong buwan ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Samantala, nagpakita ng pagbaba ng presyo mula sa pagtaas noong nakaraang buwan ang Milk, other dairy products and eggs na may -1.0 percent inflation at Vegetables, tubers, plantains, cooking bananas and pulses na may -14.6 percent inflation. Nagpakita naman ng mas mabagal na pagbaba ng presyo ang Meat and other parts of slaughtered land animals na may -5.6 percent inflation.
Sa mga lalawigan at Highly Urbanized City ng CALABARZON, ang mga probinsiya ng Laguna, na may 6.7 percent inflation, at Cavite, na may 4.3 percent inflation, ay nagpakita ng mas mabagal na pagtaas ng presyo ng mga bilihin noong buwan ng Agosto 2026 kumpara noong Hulyo 2026. Subalit ang Quezon na may 6.3 percent inflation, City of Lucena na may 5.6 percent inflation, at ang Batangas na may 4.6 percent inflation, ay nakapagtala ng mas mabilis na pagtaas ng antas inflation noong Agosto 2026. Ang probinsiya naman ng Rizal ay nanatili sa antas na 6.6 percent inflation noong buwan ng Agosto 2026.
Dagdag dito, naitala sa rehiyon ng CALABARZON nitong Agosto 2026 ang 73 sentimong halaga ng purchasing power of peso (PPP) o ang halaga ng piso kumpara sa halaga nito noong 2018.
