Gateway Art Fair 2026, Pormal ng Binuksan
Nagniningning ang Quantum Skyview sa Gateway Mall 2, Araneta City sa pagbubukas ng Gateway Art Fair 2026. Pinangunahan ng J. Amado Araneta Foundation (JAAF) at Gateway Gallery ang engrandeng selebrasyong ito na dinaluhan ng mga kultural na tagapagtaguyod at ng publiko. Mas pinatingkad pa ang programa sa kagandahan ng Binibining Pilipinas International 2025 na si Katrina Anne Johnson bilang host ng okasyon.
Dumalo rin si Quezon City Mayor Joy Belmonte upang ipakita ang matinding suporta ng lokal na pamahalaan sa sining at kultura ng lungsod. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Mayor Belmonte na napakahalaga ng mga ganitong aktibidad upang mas mapalapit ang sining sa mga ordinaryong mamamayan. “Lubos kaming nagpapasalamat sa Araneta City sa patuloy na pagbibigay ng espasyo kung saan ang ating mga QCitizen at Pinoy artists ay nagkakaroon ng pagkakataong sumikat,” ani Belmonte.
Ayon naman kay JAAF President Rowell Recinto, ang taunang art fair na ito ay patunay ng kanilang patuloy na pagpapahalaga sa pamanang Pilipino. Aniya, patuloy na magbibigay ng entablado ang “City of Firsts” para sa malayang pagpapahayag ng mga lokal na malikhain. “Ang Gateway Art Fair ay hindi lamang isang simpleng exhibit; ito ay isang kilusan na naglalayong dalhin ang sining direkta sa puso ng komunidad,” pahayag ni Recinto.
Para sa beteranong pintor na si Gerardo Jimenez, ang pagtitipong ito ang nagsisilbing tulay para magkalapit ang mga artista at ang mga mahilig sa sining pati na ang mga namamasyal lamang sa mall.
Masaya niyang ibinahagi na nakatutuwang makita ang interes ng madla sa mga obrang sumasalamin sa totoong buhay ng mga Pilipino. “Napaka-fulfilling makitang humihinto ang mga tao para namnamin at sadyang pahalagahan ang ating kultura sa pamamagitan ng aming mga likha,” ani Jimenez.
Tampok sa multi-day cultural showcase na ito ang daan-daang kahanga-hangang obra, mula sa mga tradisyonal na pinta hanggang sa mga modernong iskultura na gawa ng mga baguhan at batikang alagad ng sining mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bukod sa mga exhibit, naghanda rin ang mga organizer ng mga interactive workshop at talakayan upang masubaybayan at mahubog ang susunod na henerasyon ng mga artist.
Libreng napanood at nabisita ang Gateway Art Fair 2026 kamakailan sa mga pasilidad ng Gateway Malls 1 at 2. (REY NILLAMA)
