Masarap humarap sa Noche Buena

ANG pagtitipun-tipon ng pamilya tuwing gabi ng ika-24 ng Disyembre o bago maghatinggabi ng Disyembre 25 ay para sa isang pagsasalu-salo.

Noche Buena kung ito ay tawagin na pagsasaluhan ang mga nakahaing pagkain sa lamesa.

Dahil may okasyon at nagdiriwang ng Kapaskuhan ay nagnanais na maayos at masasarap ang mga nakahaing pagkain.

Ang mga putahe o handa ay batay sa antas ng pamumuhay subalit ano man ang kalagayan ay hindi dapat kalimutan ang pagpapasalamat sa Poong Maykapal.

Masarap humarap sa Noche Buena na ang titikman o kakainin sa lamesa ay mga pagkaing pinaghirapan o nagmula sa sariling pawis at hindi sa nakaw na pamamaraan.

Pagbati sa ‘kapatid’ at ‘kapuso’; Congrats Rozz Daniels

PAGBATI sa Kapatid Network matapos ang pagkilala sa Frontline Pilipinas bilang Best News Program at sa kanilang news anchor na si Ms. Cheryl Cosim bilang Best TV News Program Host.

Ito ay ang katatapos na 13th  Makatao Awards for Media Excellence ng People Management Association of the Philippines.

Gayundin ang pagbati sa Kapuso Network sa pamamagitan naman ng Super Radyo DZBB na tumanggap naman ng special citation bilang Radio Station of the Year.

Kinilala rin si Joel Reyes Zobel bilang Best Radio News Program Host at Best Radio Commentary Program Host.

Kinilala rin bilang Best News Public Affairs Show ang programang ‘Saksi sa Dobol B’ na pinagtatambalan nina Joel Reyes Zobel at Rowena Salvacion.

Minsan ko ng nakasama si Joel Reyes Zobel sa isang radio station na ako ay bilang news writer na masasabi kong mahusay at mabait siyang boss.

Ewan ko lang kung makikilala o matatandaan pa niya ako kasi 1990s pa ng mga panahong iyon.

@@@

Isa pang pagbati, kay Rozz Daniels sa kanyang matagumpay na solo concert nitong Nobyembre 25 sa Viva Café.

Isang beses ko pa lamang nakaharap si Rozz Daniels nitong Oktubre 11 sa lamay o burol ni Blessie na matagal na panahon ding naging showbiz editor ng Police Files Tonite.

Doon ko nalaman na  tumatayong manager ni Rozz Daniels si Blessie noong nabubuhay pa.

Nabatid ko rin na hindi lang basta kaibigan ang pagtingin at pagturing ni Rozz Daniels kay Blessie kundi bilang kapatid.

Kaya naman sa naturang concert ay hindi nakalimot si Rozz Daniels na gunitain o banggitin si Blessie na hinandugan pa niya ng mga awitin.

Marami ang naniniwala na masaya si Blessie sa kabilang buhay sa tagumpay ng iyong concert.

Congrats Rozz Daniels!

 

Scroll to Top