Dagdag-kita sa Pagtatanim ng Kakaw sa Niyugan, Layon ng Pagsasanay sa ilalim ng CFIDP
Mas pinaigting ang kaalaman at kasanayan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng Training on Cacao Production, Postharvest, and Coconut-Cacao Intercropping na isinagawa sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) mula Hulyo 6 hanggang 10, 2026, sa Villar Foundation Farm School sa Bacoor City at sa DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa Trece Martires City, Cavite.
Layon ng limang-araw na pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa wastong produksyon, postharvest handling, at pagproseso ng kakaw, gayundin ang pagsusulong ng pagtatanim ng kakaw sa niyugan o coconut-cacao intercropping.
Sa pamamagitan ng mga talakayan at aktuwal na demonstrasyon, pinalalim ng mga kalahok ang kanilang pag-unawa sa mga makabagong teknolohiya at angkop na pamamaraan sa produksyon ng kakaw at integrasyon nito sa mga taniman ng niyog upang mapataas ang ani, madagdagan ang kita, at maisulong ang mas produktibong paggamit ng mga sakahang niyugan.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sina G. Roy Roger D. Victoria II, Media Production Specialist II ng DA-ATI CALABARZON; Dr. Floro B. Cataniaga, BTC Farm Owner; Bb. Maria Ana S. Balmes, Agriculturist II, at G. Marvin R. Patina, Agriculturist I ng DA-Regional Field Office IV-A; at Bb. Rosemarie L. Suarez, Senior Agriculturist ng Philippine Coconut Authority (PCA) Cavite-Batangas. Isinagawa ang hands-on activity sa Villar Foundation Farm School at Auspere Nature Farm, isang Learning Site for Agriculture (LSA), sa pangunguna ng farm owner nito na si G. Ricky O. Perez.
“Napakahalaga ng naging pagsasanay dahil pinagsama nito ang teorya at aktuwal na demonstrasyon sa produksyon, pagproseso, at coconut-cacao intercropping. Mas lumawak ang aking kaalaman at nakita ko ang malaking potensyal ng industriya ng niyog at kakaw bilang daan sa dagdag na kabuhayan at pag-unlad ng mga magsasaka,” pahayag ni Kennedy Tuazon, kalahok mula sa Majayjay, Laguna.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng mensahe sina Atty. Rhaegee Tamana, kinatawan ni dating Senador Cynthia A. Villar; at Bb. Rosemarie Suarez, kinatawan ni G. Bibiano Concibido Jr., RAgr, Regional Manager III ng PCA Region IV-A. Kapwa nila kinilala ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng mga ahensya at iba pang katuwang upang higit pang mapaunlad ang industriya ng niyog at kakaw sa rehiyon.
Nagbahagi rin ng mensahe si Bb. Sherylou C. Alfaro, RAgr, Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, bilang kinatawan ni Center Director Dr. Rolando V. Maningas, RAgr. Hinikayat niya ang mga kalahok na isabuhay at ipalaganap ang mga natutunang teknolohiya at kasanayan upang mapataas ang produktibidad, mapalawak ang mga oportunidad sa kabuhayan, at maisulong ang isang matatag at sustenableng industriya ng niyog at kakaw.
Naisakatuparan ang pagsasanay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng DA-ATI CALABARZON, DA-RFO IV-A – High Value Crops Development Program (HVCDP), PCA Region IV-A, at Villar SIPAG Farm School bilang bahagi ng patuloy na paghahatid ng mga programa sa ilalim ng CFIDP.
Ulat ni: Cristine Jan F. Beler
