CARD MRI nagsagawa ng media lakbay-aral sa Cagayan de Oro
Bilang bahagi ng PANAGHIUSA: CARD MRI Exposure Tour Program sa CDO, makikitang nagluluto ng chicharon si Jaime Bedro (una mula sa kaliwa) habang iniinterbyu at kinukuhanan ng larawan ng mga mamamahayag.
Labintatlong mamamahayag mula sa Northern Mindanao ang nakiisa sa ikalawang PANAGHIUSA: CARD MRI Exposure Tour Program na ginanap sa Cagayan de Oro City mula Mayo 25-27, 2026. Layunin ng programa na mas maipakilala sa mga mamamahayag ang mga programa at serbisyo ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI) at maipakita ang mga ginagawa nito upang makatulong sa paglaban sa kahirapan.
Ayon kay CARD MRI Publishing House President Marilyn Magampon Manila, nananatiling nakatuon ang CARD MRI sa pagtulong sa mga mahihirap sa pamamagitan ng mga programang tumutugon sa kanilang pangangailangan. “Ang misyon ng CARD MRI ay nakasentro sa aming hangaring makatulong sa paglaban sa kahirapan at patuloy na mapabuti ang aming paglilingkod sa mga kliyente sa pamamagitan ng mga produkto at serbisyong tunay na tumutugon sa kanilang mga pangangailangan,” ani Manila. Dagdag pa niya, “Nais naming makatuwang ang mga mamamahayag na may kaparehong adhikain upang mas maipalaganap ang mensaheng ito at mas maipabatid sa publiko ang mahalagang papel ng microfinance sa pagpapabuti ng buhay ng mga tao at ng kanilang mga komunidad.”
Kabilang sa mga lumahok sa programa sina Panguil Bay Journal COO Cyril Cabrera; Malindang Newsline Mobile Journalist Cush Berenguel; Misamis Network News Mobile Journalist Glenn Ray Roluma; RMN INC News Director Menzie Montes; Radyo Asenso 106.7 Mobile Journalist Yvonne Berenguel; Radyo Trumpeta Anchorman Ercel Maandig; DXCC RMN Newswriter and Reporter Joanna Mae Ricote; RMN DXIC Iligan Station Manager Ghiner Cabanday; PBS Radyo Pilipinas Broadcast Program Producer Sharif Timhar Habib Majid; Philippine News Agency Bureau Chief Nef Lucson; Net25 Correspondent Laura Pobadora; MisOr Radyo Media Events Marketing Director at Reporter Stephanie Berganio; at Malindang Newscooper Mobile Journalist Nyce Grace Cabajar.
Upang mas maunawaan nila kung paano naaabot at napaglilingkuran ng CARD MRI ang mga komunidad, hinati ang mga kalahok sa dalawang grupo para sa pagbisita sa mga center meeting. Ang unang grupo ay nagtungo sa CARD, Inc. Balulang 1A Center habang bumisita naman ang ikalawang grupo sa CARD SME Bank Piaping Puti Center.
Sa kanilang pagbisita, nasaksihan nila kung paano isinasagawa ang mga center meeting at kung paano nagagawa ng mga miyembro ang kanilang mga transaksyong pinansyal, kabilang ang pagbabayad ng loan, nang hindi na kailangang bumiyahe papunta sa opisina o bangko. Malaking tulong ito lalo na sa mga naninirahan sa malalayong lugar.
Binisita rin ng mga mamamahayag ang ilang tanggapan ng CARD MRI sa Cagayan de Oro City, kabilang ang CARD, Inc., CARD SME Bank, Inc., CARD Mutual Benefit Association (CARD MBA), at CARD Pioneer Microinsurance Inc. (CPMI). Sa pamamagitan nito, mas nakita nila kung paano nagtutulungan ang iba’t ibang institusyon ng CARD MRI upang makapagbigay ng komprehensibong suporta sa mga kliyente at komunidad.
Bukod sa pag-aaral tungkol sa mga operasyon ng CARD MRI, nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok na makausap ang ilan sa mga kliyenteng natulungan ng organisasyon. Kabilang dito ang mag-asawang Jaime at Candelaria Bedro na nagpakita ng kanilang mga produktong chicharon at longganisa. Nakatikim din ang mga mamamahayag ng puto maya at sikwate na inihanda ni Nice Nanol, isang kliyente ng CARD SME Bank sa loob ng mahigit 15 taon.
Kasama rin sa programa ang storytelling session para sa mga bata na pinangunahan ng CARD MRI Publishing House gamit ang aklat pambata na Ang Lapis ni Anya. Dinaluhan ito ng 21 bata at naglalayong hikayatin silang mas maging interesado sa pagbabasa. Layunin din ng aktibidad na mabawasan ang labis na paggamit ng mga gadyet at iba pang elektroniks ng mga bata.
Sa huling araw ng programa, nagsagawa naman ng media briefing upang sagutin ang mga katanungan ng mga mamamahayag tungkol sa mga operasyon ng CARD MRI. Dumalo rito sina CARD MBA Deputy Director for Operations Janicekith Navera, CARD MBA Cluster Manager Ann Jaraine Balacuit, CARD MBA Provincial Manager Francis Ann Vargas, CARD SME Bank Area Manager Mark Ordiz, CARD SME Bank Acting Area Manager Mary Chris Momville, CARD Pioneer Provincial Leader Joycee Sanoy, CARD Pioneer FPRO Joecil Abenoja, at CARD, Inc. Unit Managers Mary Ann Buhoy, April Jane Adecer, at Ritchel Santua.
Nakatakdang idaos sa Laguna sa Agosto 2026 ang ikatlong PANAGHIUSA: CARD MRI Exposure Tour Program. Patuloy na isinasagawa ng CARD MRI ang mga ganitong programa upang mas mapalawak ang kaalaman ng publiko tungkol sa microfinance at sa mga serbisyong nakatutulong sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa CARD MRI, bisitahin ang opisyal nitong website sa cardmri.com o ang Facebook page nito na CARD MRI Official. (Josephine Ramos, Junior Writer)
