CARD Clinics and Allied Services, binuksan ang klinika at diagnostic facility nito sa Cotabato City

Nagtipon ang mga opisyal, kawani, at kliyente ng CARD MRI sa ribbon-cutting ceremony ng bagong klinika at diagnostic facility sa Lungsod ng Cotabato. Sa pagbubukas ng pasilidad na ito, muling pinagtitibay ng CARD MRI ang pangako nitong maghatid ng de-kalidad at madaling maabot na serbisyong medikal sa mas maraming miyembro at komunidad.

Opisyal ng binuksan ng CARD Clinics and Allied Services Inc. ang klinika at diagnostic facility nito sa Cotabato City noong Hunyo 22, 2026. Ito ay isang malaking hakbang sa pagpapalawak ng pangunahing serbisyong pangkalusugan at pangkalahatang pag-unlad ng komunidad para sa mga pamayanan sa Mindanao.

Sa paniniwalang magkaugnay ang tunay na pag-unlad ng kabuhayan at abot-kayang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan, itinatag ng CARD MRI ang klinika at diagnostic facility upang isulong ang holistikong kalusugan kasabay ng umiiral nitong mga programang Islamic financing.

Nag-aalok ang pasilidad ng abot-kaya at angkop sa kultura na pangunahing serbisyong medikal para sa mga residente ng lugar. Maaaring dumiretso ang mga pasyente para sa pangunahing konsultasyong medikal, regular na pagpapasuri, diagnostic x-ray, at iba pang pangunahing serbisyong pangkalusugan.

Sinabi ni CARD MRI Founder and Chair Emeritus Dr. Jaime Aristotle B. Alip na bahagi ang proyektong ito ng mas malawak na hakbang laban sa kahirapan. “Ang kaganapang ito ay higit pa sa pagbubukas ng isang klinika at diagnostic facility. Sinasalamin nito ang ating misyon na tugunan ang kahirapan sa pangkalahatang paraan, hindi lamang sa pamamagitan ng pagsuporta sa pampinansiyal na kakayahan, kundi sa pagtiyak din na ang mga komunidad ay may direktang akses sa serbisyong pangkalusugan,” aniya.

Ayon naman kay Dr. Michelle Anne Dy-Menil, pangulo ng CARD Clinics, ang bagong pasilidad ay isang malaking tulong para sa mga lokal na karaniwang nagbibiyahe pa ng ilang oras para lamang magpatingin sa doktor. “Dinadala natin ang de-kalidad na pangangalagang medikal nang direkta sa mga tao. Idinisenyo ang klinikang ito upang mapanatiling malusog ang mga pamilya,” pahayag niya.

Naitayo ang pasilidad sa tulong ng suporta ng The Nippon Foundation.

Dinaluhan ang pormal na pagbubukas nina CARD MRI Founder and Chair Emeritus Dr. Jaime Aristotle B. Alip; CARD MRI Resource Mobilization and CARD MRI International Group Director Jean Pauline Landicho; CARD Clinics President Dr. Michelle Anne Dy-Menil; iba pang pinuno, opisyal, kawani, at mga kliyente ng CARD MRI; gayundin ang mga lokal na pinuno ng komunidad.

Bukas ang pasilidad para sa mga kliyente ng CARD at sa publiko. Matatagpuan ito sa Rosales Street, Rosary Heights 6, Sinsuat Avenue, Lungsod ng Cotabato.

Kasunod ng pagbubukas na ito, naghahanda na rin ang CARD Clinics na buksan ang ikalawa nitong pasilidad sa Narciso Marcos Highway, Barangay Biaba Damag, Lungsod ng Marawi. (Edrian Banania, Senior Writer – OIC)

 

 

Scroll to Top