BUWAN NG WIKA, NAGSIMULA BILANG ISANG LINGGONG PAGGUNITA

Ang Buwan ng Wikang Pambansa ay dating ipinagdiriwang sa loob lámang ng isang linggo, mula huling linggo ng Marso hanggang sa unang linggo ng Abril.

Sa pagbangon ng ating bansa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig noong 1946, gumawa ng paraan ang pamahalaan para higit pang maitaguyod at mapaunlad ang paggamit ng ating Wikang Pambansa. Isa sa mga ito ang paghirang ng Linggo ng Wikang Pambansa sa Proklamasyon Blg. 35 ni Pang. Sergio Osmeña.

Ayon sa proklamasyong ito, ang Wikang Pambansa ay ipagdiriwang nang 7 araw bago ang ika-2 ng Abril na kaarawan ni Francisco “Balagtas” Baltazar, ang ating pambansang makatang tanyag sa kaniyang akdang Florante at Laura. Masiglang pinagkakaisa sa pagdiriwang na ito ang iba’t ibang sektor ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga gawaing nakatutulong sa pag-unlad ng Wikang Pambansa.

Noong 1955, isang malaking pagbabago ang nangyari nang lagdaan ni Pang. Ramon Magsaysay ang Proklamasyon Blg. 186 na naglilipat mula sa dating panahon ng pagdiriwang patungo sa 13–19 ng Agosto. Ginawa ito bilang pagkilala kay Pang. Manuel L. Quezon, na ang kaarawan ay tuwing 19 ng Agosto at itinuturing na “Ama ng Wikang Pambansa.”

Taóng 1997, hulíng ipinagdiwang ang Linggo ng Wikang Pambansa na may temang “Wika ng Rebolusyon: Noon at Ngayon,” bilang paggunita sa ika-100 anibersaryo ng kamatayan ni Andres Bonifacio at ng paparating na ika-100 anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas, 1898–1998.

Mula sa isang linggo, ipinagdiwang na ang Buwan ng Wika noong 1998 sa unang pagkakataon, sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1041. Bagaman opisyal na nilagdaan ng Pang. Fidel V. Ramos ang proklamasyon noong 1997, ang unang selebrasyon nito ay isinagawa sa unang taon ng pamumuno ni Pang. Joseph Ejercito Estrada.

Sa temang “Wikang Filipino: Tugon sa Ika-21 Siglo,” naging tampok sa isang buwang pagdiriwang na pinangunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang pagbubukás ng programa sa PUP Manila, mga kolokyum at forum tungkol sa wika, araw ng pagkakatatag ng KWF, at seremonya ng paggagawad na nagsilbing pangwakas na programa.

Ngayon, sa ika-28 taon ng Buwan ng Wika at may walong dekada nang kasaysayan, kinikilala ng Buwan ng Wikang Pambansa 2026 ang pagbabagong dulot ng artificial intelligence (AI) sa temang “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Ngayong Agosto, ang KWF, kasama ang mga katuwang na institusyon sa bansa, ay naghanda ng mga programa at gawain para sa mas masigla at malaganap na paggamit ng wikang Filipino habang isinusulong ang responsableng paggamit ng AI.

Ang dating isang linggong kampanya para sa Wikang Pambansa ay naging isang buwang pagdiriwang ng wikang Filipino. Ang kasaysayan nito ay sumasalamin sa patuloy na pag-unlad ng Filipino bilang isang buháy na wikang Pambansa sa pagharap ng mga Pilipino sa mga hámon ng kasalukuyan at paghubog sa kinabukasan.

Scroll to Top