Blu Girls kontra Hapon sa WBSC Women's Softball World Cup Group Stage

BLU GIRLS SOFTBALL VS JAPAN 
 
 
Nagsimula ang kampanya ng Blu Girls na sinusuportahan ng Cebuana Lhuillier sa WBSC Women’s Softball World Cup Group Stage sa Lima, Peru sa pagkatalo nila sa Venezuela, 8-5, ngunit nananatiling matatag ang pambansang koponan na makabawi habang patuloy nilang ipinaglalaban ang puwesto sa WBSC Women’s Softball World Cup Finals 2027 sa Australia.
 
Tig-sampung hit ang nakuha ng Pilipinas at Venezuela, ngunit sinamantala ng mga Venezuelan ang dalawang yugto kung saan nakapuntos sila ng tig-apat na takbo upang angkinin ang panalo. Ang hitter na si Diana Arcay ang nagbigay ng mapagpasyang laban sa pamamagitan ng three-run home run sa simula ng ika-anim na yugto, habang nakapuntos naman ng tatlong takbo si Veronica Antequera at dagdag na dalawa pa si Yulexys Barrios. 
 
Ang beteranong relief pitcher na si Michelle Floyd ang kinilalang nanalo matapos nitong harapin at malampasan ang banta sa kritikal na ika-apat na yugto, habang si Royevel Palma naman ang nakapagtala ng pagkatalo para sa Blu Girls.
 
“Alam namin bago pa man magsimula ang paligsahang ito na bawat laro ay magiging hamon dahil nakikipagkumpitensya kami sa ilan sa mga pinakamahuhusay na bansa sa softball sa buong mundo,” pahayag ni ASAPHIL President Jean Henri Lhuillier. “Bagama’t nakakadismaya ang resulta ngayon, hindi nito nasusukat ang kakayahan ng koponang ito. 
 
Palaging nagpapakita ng katatagan ang Blu Girls sa kabila ng mga pagsubok, at naniniwala akong tutugon sila nang may determinasyon at diwa ng pakikipaglaban na naging tatak na nila. Marami pa kaming ipinaglalaban, at buo ang tiwala kong mas lalakas pa silang makakabawi sa mga susunod na laro.”
 
Dahil sa pagkatalong ito, lalong nagiging mahalaga ang natitirang apat na laro ng Pilipinas sa round-robin, na magsisimula sa sagupaan kontra kasalukuyang kampeon sa mundo at nasa unang puwestong koponan sa buong mundo na Hapon. 
 
Sa paligsahang ito na may anim na kalahok ay kinabibilangan ng Hapon, Puerto Rico, Great Britain, Pilipinas, Venezuela, at ang punong-abala na Peru at tanging ang unang apat na koponan lamang ang makakausad sa playoffs.
 
Mula rito, dalawang bansa lamang ang makakakuha ng inaasam na puwesto sa WBSC Women’s Softball World Cup Finals 2027 sa Redcliffe, Australia. Mas nagiging mahalaga pa ang kwalipikasyong ito dahil ang susunod na taong Finals ay magbibigay din ng direktang puwesto sa women’s softball tournament ng Los Angeles 2028 Olympic Games.
 
Matapos ang laban kontra Hapon, ipagpapatuloy ng Blu Girls na sinusuportahan ng Cebuana Lhuillier ang kanilang kampanya sa group stage laban sa ikatlong koponan sa buong mundo na Puerto Rico, sa ika-12 na Great Britain, at sa punong-abalang bansang Peru. 
 
Layunin nilang makapasok sa playoffs at panatilihing buhay ang pag-asa para makapunta sa 2027 World Cup Finals at sa huli, makapagtungo rin sa Los Angeles 2028 Olympic Games. (Marlon Bernardino)
 
 
Scroll to Top