Atty. Marites A. Barrios-Taran, Nagbigay ng mensahe sa Gawad Gintong Laurel 2026
Nagbigay ng mensahe si Atty. Marites A. Barrios-Taran, Tagapangulo ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), sa mga bagong pinarangalan sa Gawad Gintong Laurel 2026 ng Pambansang Samahan ng mga Propesyonal at Mananaliksik sa Pilipinas (PSPPI) noong 19 Setyembre 2026 sa Red Hotel, Cubao, Lungsod Quezon.
Sa kaniyang talumpati ng inspirasyon na may paksang “Ang Tunay na Nagbubunga,” hinimok ni Tagapangulong Barrios-Taran ang mga bagong pinarangalan na huwag mapagod sa pagiging ilaw at inspirasyon para sa bayan. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tapat na paglilingkod sa kabila ng mga pagsubok.
“Mas madaling maging magaling kaysa maging liwanag,” pahayag ng Tagapangulo. “Madaling maging mahusay kapag maraming resources. Madaling magtagumpay kapag papalakpakan ka ng lahat. Ngunit ang maging liwanag? Iba po iyon. Ang liwanag ay kailangan lang kapag madilim. Kaya kayo naririto ngayong gabi. Hindi dahil madali ang pinagdaanan ninyo kundi dahil pinili ninyong magsindi kahit mahirap.”
Ibinahagi rin niya ang kaniyang personal na karanasan at pasasalamat sa PSPPI na naggawad sa kaniya ng Gawad Gintong Laurel noong 25 Abril 2026. Aniya, ito ang pinakaunang pagkilalang natanggap niya bilang Komisyoner at Tagapangulo ng KWF at nagdulot sa kaniya ng malaking kagalakan at inspirasyon.
Ang Gawad Gintong Laurel ang pinakamataas na pagkilala ng PSPPI sa mga indibidwal at institusyong gumagawa ng higit sa inaasahan sa pamamagitan ng kanilang oras, talento, puso, malasakit, at paninindigan, at nag-iiwan ng makabuluhang bakas sa kanilang larang at sa lipunan.
