Asia Pacific Padel Cup Manila 2026, sinimulan na sa McKinley

 
ASIA PACIFIC PADEL CUP MANILA PHILIPPINE 2026 
 
NAGSIMULA na ang Asia Pacific Padel Cup (APPC) Manila 2026 sa Play Padel McKinley Club na may 4 na araw na kumpetisyon
 
Pinangungunahan ng Padel Pilipinas, ang opisyal na pambansang pederasyon ng padel sa bansa, ang pagho-host ng torneo habang ang Asia Pacific Padel Tour (APPT) Pte. Ltd. ng Singapore ang nagsisilbing sanctioning body.
 
May pitong bansa at kabuuang 10 koponan ang lumalahok sa kauna-unahang Amateur Division, na binubuo ng limang propesyonal at limang amateur na manlalaro bawat koponan.
 
Kabilang sa mga kalahok ang Indonesia, Malaysia, Pilipinas, South Korea, Thailand, India, Pakistan, Taiwan at Brunei.
 
Sa press conference, sinabi ni Padel Pilipinas president Jeff Cheng na isa sa mga dahilan kung bakit niya niyakap ang padel ay dahil hindi na kailangang pulutin ang bola tulad sa tennis.
 
“Masaya at nakakaaliw ang padel. Bagong-bago pa lamang ang Padel Pilipinas ngunit buong puso naming sinusuportahan ang paglago ng sport sa buong bansa,” ani Cheng.
 
Ayon kay Cheng, karamihan sa mga manlalaro ay naghahanda para sa Asian Games sa Setyembre at umaasa silang mas maraming pamilya at kaibigan ng mga atleta ang bibisita sa bansa dahil sa torneo.
 
“Makakatulong ito sa turismo at magbibigay ng mas malaking pagkilala sa padel sa Pilipinas,” dagdag niya.
 
Sinabi naman ni Atty. Duane Santos, secretary general ng Padel Pilipinas, na ikatlong taon na ng bansa sa APPC at nagtapos sila sa ikatlong puwesto noong nakaraang taon.
 
Ayon kay Santos, mayroon nang humigit-kumulang 40 milyong padel players sa 180 bansa sa buong mundo, karamihan ay amateur.
 
Ibinahagi rin ni Atty. Jacqueline Gan, executive director ng Padel Pilipinas, na mabilis ang paglago ng sport sa bansa at kasabay nito ang pagtatayo ng mga pribadong padel courts.
 
Aniya, malaking oportunidad para sa mga lokal na manlalaro ang pagkakasama ng padel sa Asian Games dahil magbubukas ito ng mas maraming suporta mula sa pamahalaan.
 
Binanggit ni Gan ang umiiral nang pampublikong padel court sa Talisay City, Cebu at ang nalalapit na pagbubukas ng tatlo pang courts sa La Union, Batangas at Ormoc City, Leyte.
 
“Umaasa tayo na mas maraming kabataan ang mahihikayat sa padel at mailalayo sa masasamang gawain,” ani Gan.
 
Samantala, sinabi ni Bryan Casao, head ng Amateur Team, na bahagi ng paghahanda ng pambansang koponan para sa Asian Games ang APPC.
 
Ayon kay Casao, plano nilang bigyan ng pagkakataon ang mga manlalaro na magsanay sa ibang bansa upang higit pang mapaunlad ang kanilang kakayahan.
 
Dagdag niya, prayoridad ng Padel Pilipinas ang paglinang ng mas maraming manlalaro at coaches sa buong bansa.
 
Sinabi naman ni Eric Marquez, head coach ng Amateur Team, na karamihan sa mga atleta ay nagsimula lamang bilang recreational players ngunit ngayon ay may pagkakataong makipagsabayan sa internasyonal na antas.
 
Para kay Argil Lance “LA” Canizares, team captain ng pro at amateur teams, malaking motibasyon ang pagiging host ng torneo.
 
“May pressure bilang host pero mas lalo kaming naeengganyo na ibigay ang aming pinakamahusay,” ani Canizares.
 
Binigyang-diin niya na mas madaling matutunan ang padel kumpara sa tennis at malaking tulong ang pagkakasama nito sa Asian Games upang mas mahikayat ang mga atleta.
 
Ayon kay Alex Domenech, co-founder ng Asia Pacific Padel Tournament, napakahalaga ng APPC sa patuloy na paglago ng sport sa rehiyon.
 
“Ang Pilipinas ngayon ay isa sa mga sentro ng padel sa Asya at patuloy ang mabilis nitong pag-unlad,” sabi ni Domenech.
 
Nagpahayag din ng suporta ang mga kinatawan mula India, South Korea, Taiwan, Brunei, Pakistan at Thailand, na pawang naniniwalang makatutulong ang padel sa pagkakaisa ng mga bansa at sa paghubog ng kabataan.
 
Para kay Canizares, mabilis ang pag-usbong ng padel sa buong mundo at umaasa siyang balang araw ay maisasama rin ito sa Olympic Games.
 
Samantala, sinabi ni Gem Asa ng Thailand na limang taon pa lamang umiiral ang padel sa kanilang bansa ngunit patuloy itong nakahihikayat ng mga dating tennis players na sumubok ng bagong sport.
 
 
Scroll to Top