Ang resipe ng di-malilimutang pamana
Si Armando Japones at ang kaniyang asawa hawak ang kanilang special bibingkang kanin na ipinagmamalaki ng kanilang bayan.
Bawat luto ay may sariling resipe. Ang kakanin, sa partikular, ay nangangailangan ng ilang oras na matiyagang paghahalo at maingat na paghahanda. Hindi ito puwedeng madaliin. Lalabas lamang ang perpektong tekstura at lasa nito ayon sa hangad ng nagluto kung ito ay inihahanda nang walang pagmamadali sa sarili nitong paraan.
Alam na alam ito ni Armando Japones o mas kilala sa kanilang bayan bilang Tatay Manding. Sa ilang taon niyang paggagawa ng mga kakanin, maingat siyang naghahalo at matiyagang binabantayan ang tagal ng pagluluto ng kaniyang bibingkang kanin, kalamay, puto, at kutsinta upang mapalabas ang nais niyang lasa sa mga ito.
Ang sining ng pagluluto nito ay hindi natutuhan ni Tatay Manding mula sa textbook o sa paaralang kulinarya. Lumaki sa bayan ng Saguday, Quirino, at ang paggagawa ng kakanin ay isang pamanang-kulinarya na ipinasa sa kaniya ng kaniyang mga magulang, na tinutulungan na niya sa paghahanda mula pa noong bata pa siya.
Taong 1990 nang mag-asawa si Tatay Manding. Isang hapon habang minemeryenda ang kanilang sariling gawang bibingkang kanin, napag-isipan nilang ibenta ang ilang piraso nito sa kanilang mga kalapit-bahay. Dahil sa magandang pagtanggap sa kanilang paninda, agad din silang nagtinda sa buong kapitbahay kinabukasan.
Habang si Tatay Manding ay nagluluto, bahay-bahay namang naglalako ang kaniyang asawa, bitbit ang isang bilao ng bibingkang kanin. Dahil sa natatangi nitong lasa, mabilis itong naging kilala sa kanilang komunidad, at ang kanilang simpleng meryenda ay naging paborito ng mga lokal. Nagbigay ito ng oportunidad sa kanila na isama pa ang iba nilang kakanin sa pagtitinda, tulad ng kalamay, puto, at kutsinta.
Ngunit upang mapag-aral ang kanilang limang anak, nagtrabaho sa ibang bansa ang asawa ni Tatay Manding. Sapagkat wala siyang katuwang, pansamantala munang natigil ang kanilang pagtitinda. Nang makauwi ang kaniyang asawa taong 2010, ang kanilang naipon ay nailaan lahat sa pag-aaral ng kanilang mga anak, kaya’t wala na silang naiwang puhunan upang muling magsimula.
Sa kaparehong taon, naging kliyente ang mag-asawa ng CARD MRI Rizal Bank, Inc. (CARD RBI), isang microfinance-oriented rural bank, na nakatulong sa kanila upang muling makapag-ipon. Taong 2011, kumuha sila ng kanilang unang loan dito na kanilang ginamit bilang bagong puhunan upang muling simulan ang nais nilang negosyo ng pagluluto at pagtitinda ng mga kakanin. Nang muling makabangon ang kanilang negosyo, opisyal nilang ipinarehistro ito sa Department of Trade and Industry (DTI) noong taong ding iyon.
Ang kanilang mga na-loan mula sa CARD RBI ay nagsilbing pinansiyal na tulong para sa mag-asawa. Sa panahong sila ay gipit, kumukuha muna si Tatay Manding ng short-term loan para sa mga kinakailangan sa pag-aaral ng kaniyang mga anak, at agad din itong nababayaran gamit ang kaniyang kita sa araw-araw. Mula sa kanilang disiplina, patuloy silang inaalok ng kanilang account officer ng mas malalaking halaga ng loan. Ginamit nila ang mga ito upang maipagpatuloy ang kanilang negosyo hanggang sa makapagtinda na rin sila sa iba’t ibang bayan ng Quirino.
Habang nakilala ang kanilang kakanin sa masarap nitong lasa, naging simbolo naman ito ng kulturang kulinarya ng kanilang bayan sa Saguday. Taong 2024, nailathala sa Spectrum, ang opisyal na pahayagan ng lokal na pamahalaan ng Saguday, ang kuwento at produktong kakanin ni Tatay Manding, at naitampok ito bilang awtentikong lasa ng kanilang bayan, bilang lasa ng tahanan at pamana, at simbolo ng kanilang pagkakaisa at tagumpay. Ang kaniyang sariling gawang kakanin ay nagwagi na rin sa iba’t ibang paligsahan ng kakanin sa kanilang probinsiya at naging bahagi na ng pagkakakilanlan ng kanilang bayan.
Subalit dahil sa pagiging popular ng kanilang kakanin, may ilang nagtatangkang manggaya nito. Mayroong mga bumibili sa kanila, pagkatapos ay tatanggalin ang etiketa nito, at ipakilala bilang sarili nilang gawa. Mayroong ding mga gumagawa ng sarili nilang kakanin ngunit ibebenta ito bilang kay Tatay Manding. Subalit hindi kailanman nalinlang ang mga tao pagdating sa tunay na lasa ng mga kakanin ni Tatay Manding. Agad na natutukoy ng mga suking mamimili ang kaibahan ng lasa at tumutulong sa paglalantad ng mga nanggagaya lamang. “Haan met ken Tatay Manding ditoy (Hindi naman ito kay Tatay Manding),” kanilang sinasabi.
Isang beses, mayroong negosyanteng nag-alok sa kaniya ng PHP 50,000 upang ituro sa kaniya ang kanilang resipe para i-mass produce ito. Ngunit mariing tumanggi si Tatay Manding. Ito ay isang pamana mula sa kaniyang mga magulang na nais niyang ipagpatuloy at ipamana rin sa kaniyang mga anak. Sa halip, kaniyang inalok na lamang ang negosyante na maging wholesale na supplier nito upang masiguradong maibebenta ang kaniyang mga kakanin habang nanatili pa rin ang kaniyang sariling brand dito.
Aminado si Tatay Manding na nahihirapan sila sa paggawa ng kanilang kakanin. Sapagkat pinapanatili nila ang kanilang tradisyonal na pamamaraan sa pagluluto, nangangailangan ito ng matrabahong proseso. Kung kaya, kapag mayroong maraming order na nakatakdang kunin kinabukasan, nagsisimula na sila ng paghahanda nito bago ang nakatakdang araw upang matiyak na sariwa at perpekto ang pagkakaluto sa mga ito. Bagama’t nahihirapan sila paminsan, ipinagpatuloy lamang nila ang ganitong proseso pagkat alam nilang ito ang dahilan ng masarap na lasa ng kanilang mga kakanin.
Sa kasalukuyan, patuloy silang nakatatanggap ng maraming order mula sa mga kooperatiba, malalaking kumpanya, at maging mga internasyonal na mamimili na nagbebenta rin ng kanilang produkto sa Macau at Hong Kong. Mula sa paglalako lamang sa kanilang mga kapitbahay, ang kanilang kakanin ay nakararating na rin sa mga karatig na lalawigan ng Quirino, kung saan kumikita sila ng halos PHP 30,000 kada buwan.
Ang paglago ng kanilang negosyo ay nagpaunlad din ng buhay ng kanilang pamilya. Sa ngayon, lahat ng kanilang anak, maliban sa kanilang bunso, ay may mga sarili nang pamilya. Mayroon na ring sariling e-bike ang mag-asawa na kanilang ginagamit sa pagde-deliver ng kanilang mga produkto.
Naniniwala si Tatay Manding na ang pagpapanatili ng kanilang tradisyunal na kakanin habang pinapalago ang nesgosyo ay nangangailangan ng istriktong disiplina sa pera. Para sa kaniya, ang serbisyong microfinance ay tulong upang mapayabong pa nila ang kanilang sining at kasanayan. “Nu ag-loan ka, siguraduen nga pampalawaem ta negosyom (Kapag maglo-loan ka, siguraduhin mong mapapalago mo ang negosyo mo),” aniya. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagiging good payer at palagiang pagsama sa badyet ng panghulog sa ini-loan.
Para sa hinaharap, plano ni Tatay Manding na magkaroon ng mas matibay at magandang packaging ng kanilang mga produktong kakanin upang lalo pang mapagtibay ang kanilang brand at pagkakakilanlan. Nais din nilang makapagtayo ng food cart upang magsilbing pormal nilang puwesto at kalaunan ay gawing available ang kanilang negosyo para sa franchising.
Tulad ng kanilang kilalang slow-cooked na bibingkang kanin, ang kanilang tagumpay ay hindi minadali. Binuo ito ng malalim na tiyaga, buong-pusong pagsusumikap, at pananatili sa kung ano ang tunay na nagpakilala sa kanila. Higit pa sa negosyo ang itinayo ni Tatay Manding at ng kaniyang asawa. Pinayabong at naprotektahan nila ang kanilang pamana. At ngayon, patuloy nilang ginagawa at niluluto ang masasarap nilang kakanin, sa kaparehong tunay na lasa na nag-iwan ng hindi malilimutang pamana sa kanilang bayan. (Jireh Pearl T. Casionan, Junior Writer)
