CARD SME Bank, ipinagdiwang ang ika-15 taon sa pamamagitan ng resilience program sa GenSan
MAGBIBIGAY benepisyo sa tinatayang 30,000 pribadong motorista ang pagbubukas ng CAVITE-CALAX Link (CCLINK) na inaasahan bago ang pagsapit ng Pasko. Bahagi ito ng talakayan sa ginawang pagharap sa mga lokal na mamamahayag kamakailan nina Ms. Ariette Capistrano, VP for Stakeholder Engagement ng Manila Pacific Tollways (MPT) South; Ms. Masry Ann Tolentino, AVP for Corporate Communications; at Ms. Donna Marcelo, Chief Corporate Affairs ng MPT Corporation.
Napag-alaman na ang proyekto ay sinimulan noong 2015 at ang orihinal na target na pagbubukas ay sa unang bahagi ng 2027. Gayunman ay sinasabing halos kumpleto na o naabot na ang 97 percent completion rate kaya kaya inaasahan na ang pagbubukas nito bago pa man sumapit ang Kapaskuhan. Kapag naisakatuparan na ang pagbubukas ay magdudulot ito ng napakalaking kaginhawahan dahil mapapaikli ang oras ng pagbibiyahe sa pagitan ng mga lalawigan ng Cavite at Laguna maging ng Metro Manila.
Ang biyahe mula Cavite papuntang Laguna na dati ay lagpas dalawang oras ay asahan na 45 minuto na lamang sa pamamagitan ng Mamplasan exit sa Biñan, Laguna. Sa mismong Cavite naman, mula sa Governor’s Drive sa General Trias City hanggang sa Kawit, mula sa mahigit isang oras ay mapapaikli na ang biyahe sa loob lamang ng 15 minuto. Ipinaliwanag ng mga opisyal na bukod sa malaking ginhawang dulot sa mga motorista o mananakay ay isa rin itong alternatibong solusyon sa mabigat na daloy ng trapiko sa Cavite partikular sa kahabaan ng Aguinaldo Highway at Governor’s Drive maging sa ilang bahagi ng South Luzon Expressway.
Pinaniniwalaan din na maipagkakaloob ang tama at maayos na sistema ng transportasyon gayundin ang pag-angat ng ekonomiya sa dalawang naturang lalawigan. Ang 1.2 kilometrong CCLINK ay nag-uugnay sa Manila–Cavite Expressway (CAVITEX) at Cavite-Laguna Expressway (CALAX).
Ang ginawang eksklusibong pasilip sa pinakabagong mga expressway link sa Katimugan ay kasabay na rin ng isang ‘Media Pasasalamat at Pre-Tour’ sa mga lokal na mamamahayag mula sa Cavite na isinakatuparan ng MPT South na puno ng kasiyahan, sorpresa at mga premyo. (JB)
