CARD SME Bank, ipinagdiwang ang ika-15 taon sa pamamagitan ng resilience program sa GenSan
Ang mga center chief na kliyente at kawani ng CARD SME Bank Mindanao sa kanilang sayaw na “Pagbangon” sa ika-15 anibersaryo ng bangko, na nagpapakita ng kanilang karanasan at muling pagbangon mula sa nagdaang lindol.
Ipinagdiwang ng CARD SME Bank, Inc., isang thrift bank sa ilalim ng CARD Mutually Reinforcing Institutions (CARD MRI), ang kanilang ika-15 anibersaryo sa temang “15 Years of Commitment and Growth. Built with Trust,” noong ika-25 ng Hulyo 2026 sa Lungsod ng General Santos.
Ipinagdiwang ang anibersaryo sa pamamagitan ng programang Tindog KoLaGen: Padayon sa Pagbangon, Padayon sa Pag-Uswag. Dinaluhan ito ng mahigit 400 kliyente, mga partner, at kawani upang kilalanin ang katatagan ng mga komunidad na naapektuhan ng lindol sa Lungsod ng Koronadal, bayan ng Lagao, at Lungsod ng General Santos (KoLaGen).
Tampok sa programa ang paligsahan sa sayaw na ‘Pagbangon’, na nilahukan ng mga center chief na kliyente at mga kawani ng bangko kung saan naipakita ang kanilang karanasan noong nagdaang lindol. Sa pamamagitan nito, naipagdiwang din ang tiwala ng komunidad at bangko sa isa’t isa, na nagsilbing gabay sa kanilang muling pagbangon.
Ibinahagi naman ni Julius Adrian Alip, ang pangulo at CEO ng CARD SME Bank, ang kaniyang mensahe ng suporta. “Nakita namin ang hirap ng mga nakalipas na araw matapos ang lindol, ngunit nakita rin namin kung gaano kayo katatag. Kaya sa inyong muling pagbangon, maaasahan ninyo ang aming buong pagsuporta. Patuloy naming gagawin ang lahat ng aming makakaya upang alalayan kayo sa inyong bawat hakbang,” aniya.
Ipinahayag din ni Senior Management Adviser Cynthia Baldeo na ang ipinakitang malasakit ng kanilang mga kawani at kliyente sa isa’t isa matapos ang sakuna ay nagbigay sa kanya ng mas malinaw na larawan ng pagtitiwala.
Sa pagdiriwang ng ika-15 anibersaryo sa Mindanao, ipinakita ng bangko ang patuloy na pag-alalay sa mga kawani at kliyente sa anumang panahon ng pagsubok o tagumpay, pati na rin ang pagtulong sa muling pagbangon ng komunidad.
Ipinagpapatuloy ng CARD SME Bank ang misyon nitong iangat ang mga komunidad at palawakin ang mga oportunidad sa kabuhayan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng mga serbisyong microfinance para sa mga indibidwal na kapos sa kabuhayan, at business loan para sa mga Micro, Small, and Medium Enterprises (MSMEs). Kabilang din sa serbisyo ang iba’t ibang opsyon sa pag-iipon, tulad ng regular at time deposit account.
Dala ang tiwala ng mga taong pinaglilingkuran, umabot na sa 306 ang mga opisina ng CARD SME Bank ngayong Hunyo 2026, at naglilingkod sa mahigit 1.4 milyong kliyente nito sa buong bansa. (Jireh Pearl T. Casionan, Junior Writer)
