HINATULANG NAGKASALA SA PAGPATAY; PINATAWAN NG RECLUSION PERPETUACANDON

CITY, ILOCOS SUR — Nakamit na ang hustisya para sa pinatay na seaman-businessman na si Patrick Santos Abdon matapos hatulan ng Regional Trial Court (RTC) Branch 23 sa Candon City ang kanyang kaibigang si Glorioso Jeff Suyat Cauton ng guilty beyond reasonable doubt sa kasong murder.

Pinatawan si Cauton ng parusang reclusion perpetua dahil sa pamamaril na ikinamatay ng 43-anyos na biktima.

Sa desisyon ng korte, napatunayang nagkasala si Cauton sa ilalim ng Artikulo 248 ng Revised Penal Code.

Ang krimen ay naganap noong Hunyo 18, 2023, sa Poblacion Sur, Santa Cruz, Ilocos Sur. Ang biktima, na residente ng Barangay Sevilla sa nasabing bayan, ay binaril nang ilang beses matapos samahan ang isang saksi patungo sa bahay ng suspek.

Sa paglilitis, inilahad ng testigo na inaya ni Abdon si Cauton para magdiwang ng Father’s Day. Ayon sa saksi, pinaiwan siya ni Abdon sa loob ng kanilang puting Chevrolet Trailblazer habang nilapitan nito ang bahay. Ilang sandali lang, nakarinig siya ng mga putok ng baril at nakita si Abdon na nakahandusay sa damuhan.

Kinilala ng saksi si Cauton bilang gunman dahil sa liwanag ng solar street lamp sa lugar.

Sinubukan pa raw tumakas ng saksi gamit ang sasakyan, ngunit tumirik ito matapos ang 100 metro kaya naglakad na lamang siya para humingi ng tulong. Inilagay sa safe house ang testigo dahil sa banta sa seguridad.

Kusang-loob namang sumuko si Cauton sa mga awtoridad matapos ang pamamaril, bagama’t hindi narekober ang ginamit na baril.

Bukod sa pagkakakulong, inutusan ng korte si Cauton na magbayad ng P275,000 bilang danyos sa mga naulila ni Abdon: P75,000 civil indemnity, P75,000 moral damages, P75,000 exemplary damages, at P50,000 temperate damages.

Ang mga halagang ito ay papatawan ng anim na porsyentong interes kada taon hanggang sa mabayaran nang buo.

Inutos din ng korte ang paglipat kay Cauton mula sa Ilocos Sur Provincial Jail patungo sa Bureau of Corrections sa Muntinlupa City.

Paliwanag ng korte, reclusion perpetua ang nararapat na parusa alinsunod sa Artikulo 248 dahil walang nakitang mga mitigating o aggravating circumstances.

Hindi rin iginawad ng korte ang danyos para sa loss of earning capacity dahil sa kakulangan ng ebidensya tungkol sa trabaho ng biktima.

Sa hatol na ito, nakamit na ng pamilya Abdon ang inaasam na hustisya para sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.

Scroll to Top