2 katao, tiklo sa oplan sita; baril, bala; kumpiskado

TIKLO ang dalawa katao sa Oplan Sita operation na nagresulta sa pagkakakumpiska ng baril at mga bala na isinagawa ng pulisya kamakailan sa Bacoor City, Cavite.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng Bacoor Component City Police Station sa Barangay Dulong Bayan dakong alas-11:00 ng umaga nitong Nobyembre 17 na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na kinilala sa mga alyas na John at Rich.

Sa inisyal na ulat, pinara ng mga pulis ang isang motorsiklo habang isinasagawa ang Oplan Sita.

Sa halip na huminto ay nagdiretso at piniling tumakas na nagresulta sa paghabol.

Naabutan naman sila ng mga pulis at sinubukan umano ng pasahero na bunutin ang baril na nakasukbit sa kanyang baywang gayunman ay agad siyang napigilan at inaresto.

Narekober sa operasyon ang isang caliber .32 kasama ang isang magasin na naglalaman ng anim na bala ng caliber .32. Kabilang din sa nakumpiska ang isang itim na bag, pulang motorsiklo kasama ang susi nito, at dalawang helmet.

Nahaharap ang dalawang suspek sa mga kaso bunsod ng umano’y paglabag sa Artikulo 151 ng Revised Penal Code at sa Republic Act No. 10591, na kilala rin bilang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

 

 

 

 

 

Scroll to Top