Naaresto sa buy bust; nakunan ng droga, boga
BUKOD sa droga ay nakunan pa ng baril ang lalaking nahuli sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya kamakailan sa Maragondon, Cavite.
Ang suspek ay kinilalang si alyas Negro, 36, at residente ng Barangay Malagasang 2, Imus City.
Ikinasa ang operasyon ng Drug Enforcement Unit ng Maragondon Municipal Police Station dakong alas-4:00 ng hapon nitong Nobyembre 3 sa Barangay Garita A na may kaukulang koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency.
Nakumpiska mula sa suspek ang labing-isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang gross weight na 0.75 gramo at tinatayang halagang ₱3,300.00. Narekober din ang isang ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang caliber .38 revolver na walang serial number, at tatlong bala na nakalagay sa cylinder nito.
