Legarda, muling nanawagang ibalik nang buo ang pondo ng PDIC at PhilHealth
Muling nanawagan si Senador Loren Legarda na ibalik nang buo at tiyaking mailalaan sa tamang layunin ang mga pondong itinakda ng batas para sa Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), kasabay ng patuloy na pagtalakay sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Binigyang-diin ni Legarda na tungkulin ng pamahalaang pangalagaan ang mga pondong nakalaan para sa proteksyon ng mga depositor at serbisyong pangkalusugan ng mga Pilipino.
Muling nagpahayag ng pagkabahala ang Senador sa paglipat ng ₱107.23 bilyon mula sa Deposit Insurance Fund ng PDIC patungo sa National Treasury. Sa panukalang badyet para sa 2027, ₱57 bilyon lamang ang iminungkahing ibalik sa PDIC sa ilalim ng unprogrammed appropriations, kung saan nakadepende pa sa mga itinakdang kondisyon ang paglalabas ng pondo.
Tinukoy rin ni Legarda ang kamakailang desisyon ng Korte Suprema na nagbibigay-diin sa pangangailangan ng malinaw na mga limitasyon at panuntunan sa paggamit ng unprogrammed appropriations upang matiyak ang disiplina, transparency, at pananagutan sa pamamahala ng pondo ng bayan.
Ayon sa Korte, dapat unahin ang paglalaan ng mga bagong kita at karagdagang pondo sa regular na badyet, maliban kung may malinaw at matibay na dahilan upang isama ang mga ito sa unprogrammed appropriations.
“Funds intended to protect depositors should not be left dependent on uncertain funding conditions. The restitution of PDIC’s reserves must be given serious consideration in the national budget to ensure that the financial protection of ordinary Filipinos is not compromised,” diin ni Legarda.
Nanawagan din ang Senador na tugunan ang patuloy na kakulangan sa pondo ng PhilHealth, partikular ang mga pondong dapat nitong matanggap mula sa sin tax revenues. Tinatayang aabot sa ₱133.24 bilyon pagsapit ng 2027 ang kabuuang kakulangan sa pondong ito na nakalaan para sa PhilHealth alinsunod sa batas.
Bukod dito, mayroon pang ₱106.95 bilyong hindi naibabayad na bahagi ng PhilHealth mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na dapat nitong matanggap alinsunod sa batas.
Iginiit ni Legarda na kailangang maibigay nang buo sa PhilHealth ang mga pondong ito upang masuportahan ang pagpapatupad ng National Health Insurance Program at mapabuti ang access ng mga Pilipino sa serbisyong pangkalusugan.
“These funds are earmarked by law to provide healthcare and financial protection to our people. Their allocation should not be treated as discretionary when the law already establishes their intended purpose,” paliwanag ng Senador.
Ipinaalala rin ni Legarda ang naunang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang paglilipat ng ₱60 bilyon mula sa PhilHealth patungo sa National Treasury at nag-utos na ibalik ang naturang halaga.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang sundin ang mga itinatakda ng batas upang matiyak na ang mga pondong nakalaan para sa proteksyon ng publiko ay nagagamit sa kanilang tunay na layunin.
Ayon pa sa Senador, pagkakataon ang kasalukuyang pagtalakay sa pambansang badyet upang matugunan ng Kongreso ang kakulangan sa pondo ng PDIC at PhilHealth at matiyak na mayroon silang sapat na pondo upang magampanan ang kanilang mga tungkulin.
“Our national budget must reflect our responsibility to protect the health and financial security of Filipinos. Funds intended for healthcare and deposit insurance must be preserved and properly allocated. These are obligations we must uphold to maintain public trust in our institutions,” pagtatapos ni Legarda.
