Ang pag-angat na di minadali

Si Lenie Piñana sa kanilang panaderya sa Rizal, Laguna, na kanilang itinayo sa loob ng ilang taong pagsisikap at pagbalanse sa bawat kondisyon ng kanilang benta.

Ang oras ay isa ring mahalagang sangkap sa paggagawa ng tinapay, kung saan bawat sobrang segundo ay maaaring makasira sa nilulutong tinapay. Si Lennie Piñana, isang negosyanteng panadera mula sa Brgy. Laguan, Rizal, Laguna, ay nagpatunay ng ganitong kasanayan sa paglipas ng panahon sa bawat tinapay na kanilang niluluto.

Nagsimula siya bilang isang domestic worker sa Hong Kong noong 2006, kung saan karamihan sa kanyang oras ay nakalaan sa paglilingkod sa pamilyang kanyang pinagsiislbihan. Bahagi ng kaniyang trabaho ang paghahanda ng pagkain para sa kaniyang mga amo, at dito niya unang natutuhan ang pagbe-bake.

Bagama’t sigurado at maaasahang pangkabuhayan ang trabahong ito, pangarap pa rin ng kaniyang asawa na sila’y makabalik sa kanilang bayan upang magtayo ng sariling negosyo.

Taong 2019, bago sumapit ang pandemya, napagdesisyunan nilang umuwi at manatili na lamang sa bansa. Dito rin nila napagdesisyunang simulan ang pagtatayo ng sarili nilang bakery at gamitin sa negosyo ang kanyang kasanayan sa pagbe-bake.

Gayunpaman, sa kabila ng kanyang kaalaman dito, nakita niya ring mas kailangan ng mga mamimili ang mga biskwit o matitigas na tinapay tulad ng  paborita, ugoy, hakobina, at puto seko, na malayo sa mga cake at cookies na kanyang bine-bake sa ibang bansa. Upang maging posible ang pinasisimulang negosyo, kumuha siya ng limang panaderong may kasanayan na sa pagbe-bake ng mga biskwit upang maging katuwang niya sa produksyon ng mga tinapay.

Bukod dito, naging tulong din sa pagsisimula ng negosyo ni Lenie ang pinansiyal na serbisyo mula sa CARD Bank, Inc., isang microfinance-oriented rural bank. Bilang kliyente at dahil dahil sa kaniyang pag-iipon rito mula noong taong 2013, naging pamilyar na si Lenie sa mga produktong inaalok ng nasabing bangko. Kaya naman, nag-apply at naaprubahan siya sa loan na nagkakahalagang PHP 20,000, na kaniyang ginamit bilang puhunan sa kaniyang bagong negosyo.

Sa kabila nito, batid ni Lenie na isang malaking sugal ang pagpapatakbo ng negosyo. Kaya naman, nagkasundo silang mag-asawa na magpatuloy muna sa pagtatrabaho sa ibang bansa ang kaniyang mister upang mayroon pa rin silang back-up kung sakaling hindi maging matagumpay ang kanilang negosyo.

Sa paglipas ng ilang taon, lumago at tumagal ang kanilang negosyo sa kabila ng mababang demand noong panahon ng pandemya. Ngunit hindi ito naging posible nang walang pinagdaanang mga pagsubok. Aminado si Lenie na ang kaniyang mga unang taon sa negosyo ay humarap sa mga pagkalugi at problema sa suplay. Subalit tiningnan na lamang niya ang kaniyang pagpapatuloy bilang puhunan upang matiyak ang kaniyang puwesto sa merkado sa darating pa na panahon.

Upang mapanatiling nakatayo ang negosyo sa kabila ng mga suliranin, nag-iipon si Lenie sa panahong malakas at dagsa ang kanilang benta,  at kumukuha naman ng loan bilang suporta sa panahong mahina ito.

Sa walong taong pagpapatakbo nito, nadagdagan na ang mga kliyente at nakakaabot na ang kanilang mga biskwit sa iba’t ibang bahagi ng Laguna, probinsya ng Rizal, Quezon, at ilang bahagi ng Metro Manila. Nabalanse ni Lennie ang pag-usbong at paghina ng kaniyang negosyo sa bawat panahon, inayos at napagbuti ang kaniyang produksyon, at napagtapos sa kolehiyo ang kanilang anak sa tulong din ng ilang loans niya mula sa nasabing bangko.

Kasalukuyan pa ring nagtatrabaho sa kaniyang bakery ang limang panaderong kasama niya mula umpisa, bukod pa sa mga part-time na tauhan na kanila ring kapitbahay. Kadalasan sa mga ito ay mga nanay na nabibigyan ng pagkakataong kumita nang hindi lumalayo sa kanilang lugar. Para kay Lenie, isa rin itong paraan ng pagbibigay-oportunidad sa kanilang komunidad.

Sa kabila ng kaniyang mga narating, nananatiling mapagpakumbaba at maingat sa paghawak ng pera si Leni, isang katangian na minsan ay nalilimutan ng ibang negosyante.

Para sa kaniyang simpleng payo sa mga nais ding magnegosyo: “Hindi siya one click lang; mahabang panahon ang kakailanganin; kailangan siyang pagtiyagaan.“

Ang oras ay mahalagang sangkap sa paggawa ng tinapay. Ilang segundo lamang na sobra ang kailangan upang masira ang isang magandang tinapay, ngunit ilang taong pagbubuno ang kailangan upang makapagtayo ng isang matatag na panaderya. Ang karanasan ni Lenie ay isang paalala na ang tagumpay ay nangangailangan ng mahabang panahon, katulad ng kung paano niya itinayo at pinagtibay ang kaniyang bakery sa ilang taong mahabang pasensya, kasanayan, at tuloy-tuloy na pagtiya-tiyaga.

Sa pamamagitan ng pagiging bukas sa pagbabago sa mga panahon ng kagipitan, matagumpay na nabuo ni Lenie ang isang negosyong patuloy na nagtataguyod sa kaniyang pamilya at sa kanilang komunidad. (Freddierick Nathaniel Manalo, Corporate Planning Officer )

 

 

Scroll to Top