13-anyos na fencer Morales, wagi sa Top Cadet Fencer status sa PFA tilt!
GOLD MEDALIST FENCING CHRISTINE MAY MORALES
Walang makapigil sa pambato ng bansa! Pinatunayan ng 13-anyos na si Christine May Morales na siya ang reyna ng espada matapos masungkit ang gintong medalya sa Cadet Women’s Foil event sa katatapos pa lamang na 3rd Leg Cadet and Junior Championships sa makasaysayang Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Maynila.
Dinomina ng Grade 8 student-athlete at iskolar ang kumpetisyon nang pabagsakin ang kanyang mga kalaban, kabilang na ang kakampi sa University of the East (UE) at kapwa pambansang atleta na si Willa Liana Galvez, sa pamamagitan ng kumbinsidong iskor na 15-4 sa finals.
Dahil sa panalong ito, lalo pang pinagtibay ni Morales ang kanyang trono bilang nangungunang cadet fencer sa Under-14 class ng Pilipinas.
Mga nakalaban ni Morales si Regina Zenais Pascual (Team RF) Pinabagsak sa preliminary rounds pagkatapos ng isang first-round bye. Yuki Togawa (HCFC) Walang nagawa sa matinding hataw ni Morales sa iskor na 15-7.
Yuna Samuelle Canlas (UE/National Team): Niyanig ang semifinals sa isang dikdikang bakbakan na nagtapos sa iskor na 15-13 pabor kay Morales.
Hindi lamang dito nagtapos ang ratsada ng batang atleta. Noong nakaraang buwan lang, nagwagi rin si Morales sa all-Filipino final kontra kay Canlas sa Southeast Asian Fencing Federation (SEAFF) Junior and Cadet Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa kabuuan, sumungkit ang delegasyon ng Pilipinas ng limang ginto, pitong pilak, at 13 tansong medalya para sa kabuuang 25 medalya, sapat upang masungkit ang pangatlong pangkalahatang pwesto sa naturang torneo.
“Masayang-masaya at naii-excite ako na na-sweep ng aming koponan ang podium. Napakahirap ng naging laban kina Yuna at Willa,” masayang pahayag ni Morales.
Nagpasalamat din siya sa Poong Maykapal, sa kanyang pamilya, at sa mga sumusuporta sa kanya na nagbigay ng lakas-loob at momentum sa bawat laban.
Bagamat may taas nang 5-foot-6 at tinitingnang promising na atleta, sinabi ni Morales na hindi siya titigil upang higit pang gumaling. Target niya ang mas marami pang sakripisyo at pagsasanay para dalhin ang bandila ng Pilipinas sa mas malalaking entablado tulad ng SEA Games, Asian Games, at Olympics—tulad ng kanyang idolo na si Samantha “Sam” Catantan.
Ang naturang paligsahan ay co-presented ng Philippine Fencing Association (PFA) at ng Philippine Sports Commission (PSC). Para sa kumpletong resulta ng laban, bisitahin lamang ang opisyal na Facebook page ng PFA.
