Hijos Tours naglunsad ng Wellness Tour para sa mas malusog at balanseng pamumuhay
Mga kalahok sa San Pablo City Wellness Tour habang bumibisita sa Mt. Banahaw, isa sa mga pangunahing destinasyon ng tour na nag-aalok ng kagalingan sa pamamagitan ng kalikasan at espirituwal na karanasan.
Inilunsad ng CARD MRI Hijos Tours ang dalawang-araw na San Pablo City Wellness Tour noong Abril 24–25, 2026 upang hikayatin ang mga kalahok na magkaroon ng mas malusog at balanseng pamumuhay sa pamamagitan ng mga gawaing nakatuon sa pinansyal, kalikasan, komunidad, at pananampalataya.
Sampung kliyente ng CARD Bank mula sa Candelaria, Quezon ang lumahok sa unang batch ng programa. Layunin nito na mabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong makapag-isip at mas maunawaan ang mga salik na nakatutulong sa mas maayos na pamumuhay.
Ayon sa CARD MRI Hijos Tours, ipinakikita ng programa ang ugnayan ng maayos na pamamahala ng pananalapi, pangangalaga sa kalikasan, pakikipagkapwa, at pananampalataya sa pangkalahatang kalagayan ng isang tao.
Sinabi ni CARD MRI Hijos Tours President Marilyn M. Manila na ang wellness tour ay hindi lamang paglalakbay kundi isang paraan upang matuto sa pamamagitan ng karanasan. “Sa pamamagitan ng tour na ito, pinagsasama namin ang pagkatuto at mga karanasang nagbibigay ng mahahalagang aral,” ani Manila. “Layunin naming mahikayat ang mga kalahok na magkaroon ng balanse sa iba’t ibang aspeto ng kanilang pamumuhay.” Ipinaliwanag niya na ang programa ay naglalayong magbigay ng espasyo para sa pagkatuto, pagninilay, at pakikipag-ugnayan sa ibang tao, habang nagkakaroon ng mas malalim na pag-unawa sa kahalagahan ng balanse sa buhay.
Sa mga nakalipas na taon, mas naging mahalaga para sa maraming tao ang pangangalaga hindi lamang sa pisikal na pangangatawan kundi pati na rin sa emosyonal, espiritwal, at pinansyal na aspeto ng buhay. Bilang tugon dito, binuo ng Hijos Tours ang wellness tour bilang pagsasanib ng paglalakbay at karanasang may aral para sa personal na pag-unlad.
Sa buong programa, nakibahagi ang mga kalahok sa mga aktibidad na nagpalalim ng kanilang koneksiyon sa kalikasan, sa komunidad, at sa kanilang sarili. Kabilang dito ang tree-bathing activities kung saan nakapagpahinga at mas naging malapit sila sa kalikasan. Naranasan din nila ang panunuluyan sa isang lokal na tahanan upang mas makilala ang kultura ng komunidad. Kasama rin sa kanilang itinerary ang pagbisita sa CARD MRI Head Office at pananghalian sa isang katutubong restawran.
Dinala rin ang mga kalahok sa ilang kilalang likas at makasaysayang lugar sa San Pablo City tulad ng Sampaloc Lake, Sitio Lalao Hot Spring, Kinabuhayan Stream, at Mt. Banahaw. Bumisita rin sila sa mga pook-panrelihiyon gaya ng San Pablo Cathedral, San Agustin Church, Yapak ni Kristo, Presintahan Cave, at Kamalig ni Saint Jacob sa Sta. Lucia, Dolores.
Ayon sa mga tagapag-organisa, ang pagsasama ng mga aktibidad na ito ay nagbibigay ng pagkakataong matuto habang nakararanas ng iba’t ibang lugar at gawain. Sa halip na simpleng pamamasyal, layunin ng programa na maghatid ng mas makabuluhang karanasan sa mga kalahok.
Bukas ang Wellness Tour para sa mga kliyente at kawani ng CARD na may edad 18 hanggang 50 taong gulang at kayang lumahok sa mga gawaing may kasamang paglalakad at maikling trekking. Sa pamamagitan ng programang ito, patuloy na pinalalawak ng CARD MRI Hijos Tours ang mga inisyatibo na naglalayong maghatid ng makabuluhang karanasan at isulong ang mas balanseng pamumuhay sa paglalakbay at pakikilahok sa komunidad. (Jireh Pearl Casionan, Junior Writer)
