GRUPO NG KABATAAN AT ATTY. MACALINTAL, NANAWAGAN NA ITULOY ANG 2026 BARANGAY AT SK ELECTIONS

PASAY CITY, Philippines — Nanawagan ang mga organisasyon ng kabataan at election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal na huwag ipasa ang panukalang batas na magpapalawig sa termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) at magpapaliban sa Barangay at SK Elections (BSKE) hanggang 2028.

Sa isang press conference sa Pasay City, binigyang-diin ni Macalintal na maaaring mawalan ng sapat na panahon ang taumbayan upang kuwestiyunin sa Korte Suprema ang panukalang batas. “Para bang tinatanggalan tayo ng panahon para i-kwestyon ang nasabing panukalang batas… para siguro hindi tayo makapunta sa Korte Suprema,” ani Macalintal.

Sa ilalim ng kampanyang #YesToBSKE2026, iginiit ng mga youth organization na dapat ituloy ang halalan sa Nov 2, 2026, alinsunod sa karapatan ng taumbayan na pumili ng kanilang mga lider sa barangay. Binigyang-diin nila na ang kapangyarihan ng pamahalaan ay nagmumula sa sambayanan at dapat na naipapahayag sa pamamagitan ng malaya at regular na halalan.

Sinabi ng mga grupo na kung maipapasa ang panukalang term extension at election postponement, ito na ang magiging ika-siyam na pagkakataon na maipagpaliban ng Kongreso ang Barangay at SK Elections. Anila, paulit-ulit na ipinagkakait sa kabataan at sa taumbayan ang pagkakataong pumili ng kanilang mga lider sa lokal na pamahalaan.

Ayon sa mga kabataan, kabilang sila sa mga sektor na higit na maaapektuhan ng panibagong postponement. Dahil sa mga limitasyon sa edad para sa pagboto at pagtakbo sa SK, may mga kabataang maaaring hindi lamang maantala, kundi tuluyang mawalan ng pagkakataong makilahok sa halalan.

Sinabi ni Angel Justine Cruz ng Kaya Natin! Youth na ang panukalang postponement ay isa na namang pagkakait sa karapatan ng taumbayan na pumili ng kanilang mga lider sa lokal na pamahalaan.

Para naman kay Aira Joy Villamil ng Model SK, direktang maaapektuhan ng postponement ang mga kabataang nais makilahok sa pamamahala sa kanilang komunidad.

“Kapag ipinagpaliban ang halalan, hindi lamang petsa ang inaantala—inaalis din sa kabataan ang pagkakataong tumakbo, makaboto, at magkaroon ng tunay na kinatawan. Kapag humihina ang halalan, humihina rin ang pananagutan at kalidad ng pamamahala sa barangay,” ani Villamil.

Kinuwestiyon din ng mga kabataan ang pangangailangang ipagpaliban ang halalan kahit nakapaghanda na ang Commission on Elections (COMELEC). Ayon sa mga grupo, humigit-kumulang ₱8 bilyon na umano ang nagamit sa paghahanda para sa halalan at handa na ang COMELEC na isagawa ang BSKE.

Tinuligsa rin nila ang agarang pagsusulong ng limang taong termino para sa mga opisyal ng barangay at SK kahit hindi pa lubusang nasusubukan ang kasalukuyang apat na taong termino. Iginiit ng mga grupo na hindi dapat basta palawigin ang panunungkulan ng mga incumbent nang walang sapat na dahilan at walang panibagong mandato mula sa taumbayan.

Kung maipapasa ang postponement bill, aabot sa tatlong taon ang karagdagang panunungkulan ng mga kasalukuyang opisyal. Para sa mga kabataan, magiging katumbas ito ng pagbibigay ng panibagong termino sa mga incumbent kahit walang direktang mandato mula sa mga botante.

Sinabi naman ni Jacinto Aguillon ng Kilos Ko Youth na hindi kumakatawan sa interes o hinihingi ng karaniwang mamamayan ang panukalang postponement.

“The postponement of the 2026 BSKE is not in the people’s interest. It is not what the youth are asking of the government. Kapag ipinagpapaliban ang halalan, ipinagpapaliban din ang ating mga karapatan,” ani Aguillon.

Binanggit din ng mga grupo ang isang pag-aaral na nagsasabing halos walo sa bawat sampung Pilipino ang nais na matuloy ang halalan. Sa gitna ng iba’t ibang suliranin sa bansa, kinuwestiyon nila kung bakit minamadali ang term extension at postponement sa halip na pakinggan ang tinig ng taumbayan.

Nanawagan ang mga organisasyon ng kabataan, kasama si Atty. Macalintal, sa mga senador, kongresista, at Pangulo na igalang ang karapatang bumoto at pumili ng mga lider.

Itinutulak nila ang agarang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nov 2, 2026.

Scroll to Top